Nilubid na Abo
Sa isang kaharian ay bantog ang katalinuhan ng isang
binatilyo. Siya si Catalino, na nakagawian nang tawagin ng kanyang mga kanayon
na Talino. Iyon ang kanyang palayaw at waring akmang-akma naman sa kanyang
angking katalinuhan.
Palabasa si Catalino. Silang mag-anak ay mahirap lamang at
ang tanging yamang itinuturing ni Catalino ay ang ubod ng dami niyang mga aklat
at iba't ibang babasahin. Wala siyang libangan kundi ang magbasa pagkatapos ng
kanyang mga gawain.
Nakatutulong nang malaki si Catalino sa kanyang mga kanayon.
Dahil sa marami siyang kaalaman na nakukuha niya sa pagbabasa, maraming
mabubuti at matatalinong mga payo ang naibibigay niya sa kanila. Nabibigyan
niya ng payo ang mga kanayon tungkol sa pagsasaka, pagtatanim at paghahalaman,
pag-aalaga ng mga hayop, pagpapagawa ng bahay, pagpapahukay ng balon at mga
poso, paglilipat ng bahay, pati ang panggagamot sa mga di-kabigatang
karamdaman. Kaya naman mahal na mahal siya ng kanyang mga kanayon. Maging ang
mga taga-ibang nayon, malapit man o malayo, ay nakikilala na si Catalino at
alam na ng marami ang kanyang katalinuhan.
Ang lahat ng mga balita tungkol sa matalinong binatilyo ay
nakararating sa kabatiran ng hari. Higit na sikat pa raw si Catalino kaysa sa
hari. Ayaw ng hari ng ganitong nangyayari. Baka dumating ang araw na makuha ni
Catalino sa hari ang pamumuno sa kanyang kaharian. Nabahala ang hari.
"Maaari nga pong mangyari ang kinatatakutan ninyo,
Mahal na Hari," ang sabi pa ng isang taga-payo. "Ang lalong mabuti ay
ipakulong natin siya," anang isang tagapayo naman.
"Ngunit hindi natin maaaring ipakulong nang basta-basta
ang isang taong wala namang ginagawang pagkakasala," sagot ng isa pang
tagapayo. Marami pang mga usapan hanggang sa ang nabuong balak ay pagawain si
Catalino ng isang bagay na tiyak na hindi niya magagawa. At ito ay ipagagawa sa
plasa sa harap ng maraming tao at kanyang mga tagahanga. Kapag hindi nagawa ni
Catalino ang ipagagawa sa kanya, pagtatawanan siya ng mga tao. Ipinatawag si
Catalino sa palasyo. Sa harap ng mga tagapayo ay kinausap siya ng hari.
"Nabalitaan ko ang iyong maraming kaalaman. Ikaw raw ay
matalino. Nakagagawa ka ng maraming matatalinong bagay. Nabibigyan mo raw ng
matalinong payo ang mga tao. Totoo ba ito?" ang tanong ng hari.
"Ang mga tao po ang nagsasabi niyan. Hindi po
ako," sagot ni Catalino. "At ang ibinibigay ko po sa kanilang payo ay
hindi sa sarili ko galing. Nakukuha ko po ito sa aking mga pagbabasa."
"Saan mo nakukuha ang mga karunungang iyan?" ulit
ng hari.
"Sa mga aklat po at sa paaralan ng buhay," sagot
ni Catalino. Nag-ungulan ang mga tagapayo. Waring pati ang hari ay napapaniwala
na ni Catalino. Bumulong ang punong tagapayo sa hari.
"Catalino!" ang malakas na sabi ng hari.
"Ako'y may ipagagawa sa iyo. Huwag mo akong bibiguin. Masama akong hindi
sundin," sabi pa ng hari. "Naiintindihan mo ba?"
"Opo, Mahal na Hari," sagot ni Catalino. "Sa
abot po ng kaunti kong kaalaman ay sisikapin kong masunod ang inyong
utos." Hinintay ni Catalino ang ipag-uutos ng hari. Binasa ng isang alagad
ng hari ang kautusan.
"Bukas ng umaga, magdala ka rito ng nilubid na abo.
Kapag hindi mo ito nagawa, nangangahulugang hindi ka pala sadyang matalino at
niloloko mo lamang ang mga tao. Nagkasala ka sa bayan kaya kailangang pugutan
ka ng ulo," anang tagabasa.
Umuwi si Catalino sa kanilang nayon. Kanyang pinag-isipan
ang ipinagagawa ng hari. Alalang-alala ang kanyang ama't ina. Labis na
nag-aalala rin ang kanyang mga kanayon. Wala naman silang maitulong kay
Catalino. Ipinagdasal nila na sana ay magawa nito kung anuman ang ipinagagawa
ng hari.
Kinabukasan, maagang nagising ang mga tao. Pumunta ang
marami sa plasa. Doon ibibigay ni Catalino sa hari ang nilubid na abo. Maingat
na dinala ni Catalino ang natatakpang kahon. Marahang inilapag sa harap ng hari
ang bandehadong malapad. Naroon ang nilubid na abo.
Nagulat ang hari. Hindi akalain ng hari at ng kanyang mga
tagapayo na magagawa ni Catalino ang nilubid na abo.
"Nilubid na abo!" ang wika ng lahat.
Magalang na yumukod sa hari si Catalino. Wala itong
pagmamalaki o anumang bahid ng yabang. Ang naroo'y kababaang-loob. Nilubid pala
ni Catalino ang abaka at saka niya marahang sinunog hanggang sa maging abo na
hindi natatanggal ang pagkakalubid.
Lalong humanga ang mga tao kay Catalino. Pati na ang hari ay
humanga rin hindi lamang sa talino kundi sa kabaitan at kababaang-loob ni
Catalino.
Dahil dito, kinuha siya ng hari bilang tagapayo sa palasyo.
Nabigyan ni Catalino ng mabubuting payo ang hari tungkol sa pamamalakad kaya't
naging maunlad ang kaharian.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento