Huwebes, Hunyo 29, 2017

Alamat ng Antipolo

Alamat ng Antipolo


Noong panahon ng mga Kastila, karamihan sa mga magsasaka sa kapatagan ay umaakyat ng bundok dahil sa takot sa mga dayuhan. Sa kagubatan sila namamalagi upang makaiwas sa mga kaguluhang nagaganap sa bayan.

Akala ng mga Kastila ay natayo ng grupo ng mga maghihimagsik ang mga magsasaka. Lalo silang nagalit kaya pinag-isipan kung paano makagaganti.

Marami ang mga Pilipinong pinagbintangan nila gayong inosente ang mga ito sa kanilang ibinibintang. Hinuli nila at ipinilit ang mga ito dahil umano sa pagsapi sa himagsikan.

Nabalitaan ng mga magsasakang naninirahan sa bundok ang tungkol sa paglusob ng mga gwardiya-sibil sa kanilang lugar. Nangatakot sila.

Araw at gabi ay panay ang dasal ng mga kababaihan upang maligtas sila sa nakaambang panganib.

Isang araw ay nagpasya ang mga Kastila na umakyat na sa bundok. Laking gulat nila nang makita ang lahat, babae man o lalaki, bata man o matanda, na nangakaluhod at nagdarasal.

Palibhasa ay taimtim sa pagdarasal ang mga tao kaya dininig ang kanilang panawagan. Biglang nagningning ang malaking puno ng Tipolo at lumitaw ang imahe ng Mahal na Birheng Concepcion sa itaas nito.

Dahil relihiyoso rin ang malulupit na mga Kastila, nahintakutan sila sa nasaksihan. Nagsisi sila sa mismong oras na iyon.

Marami ang nakakita sa pagmimilagro ng Mahal na Birhen. Nagpasalamat sila sa saklolong ibinigay nito. Ang masamang balak ng mga Kastila ay hindi na natuloy. Sa halip ay iginalang nila ang pook na iyon.

Masaya nilang ipinamalita sa kapwa-Kastila ang nasaksihang milagro.

"Saang lugar iyon? Pupunta rin kami!" usisa ng mga relihiyosong Kastila.

"Sa itaas ng bundok. Sa puno ng Tipolo," sagot nila. "Ipagtanong na lang ninyo at tiyak na ituturo nila sa inyo."

Paulit-ulit na nagtanong sa mga tao ang mga Kastila. "Saan ang Tipolo?"

Buhat noon ay tinawag ng Antipolo ang lugar. Nakagawian na rin ng mga dayuhan, mayaman man o mahirap, na bisitahin ang pook na iyon lalo at panahon ng Mayo.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento