Ang Agila at ang
Kalapati
Mayabang na inilatag ng Agila ang malapad niyang pakpak sa
kaitaasan. Nang mapansin ng aroganteng Hari ng mga Ibon na ikinakampay din ng
mabagal na kalapati ang mga puting pakpak nito ay naghamon ang Agila.
"Hoy, Kalapati. Lalaban ka ba sa akin sa pabilisan ng
paglipad?"
Sa sobrang yabang ng Agila ay naisip ng Kalapating bigyan ng
aral ang humahamon.
"O sige," sagot ng Kalapati, "kailan mo
gustong magtunggali tayo?"
Hindi ipinahalata ng Agila na nagulat siya sa matapang na kasagutan
ng hinamon.
"I... ikaw ang bahala kung kailan mo gusto."
Napansin ng Kalapati na nakaamba ang maitim na ulap sa
kalawakan. Alam niyang ilang sandali lamang ay uulan na.
"Kung payag ka ay ngayon din. Upang maging masaya ang
laban, kailangang may kagat-kagat tayong anumang bagay sa paglipad natin.
Dadalhin ko paitaas ang isang tipak ng asin. Ikaw naman ay magdadala ng isang
bungkos ng bulak. Payag ka ba?"
Napangiti ang Agila sa pag-aakalang higit na magaan ang
bulak sa asin.
Napagkayariang sa tuktok ng Asul na Bundok magsisimula ang
paglipad at magtatapos sa tuktok ng Berdeng bundok.
Habang naglalaban sila sa paglipad ay bumuhos na ang malakas
na ulan. Ang bulak na dala-dala ng Agila ay nabasa ng ulan at bumigat nang
bumigat. Nagpabagal ito sa paglipad ng Hari ng mga Ibon.
Ang asin ay nalusaw naman na nagpabilis sa paglipad ng
Kalapati.
Sa pagwawagi ng Kalapati, hindi na nagyabang mula noon ang
palalong Agila.
Aral: Sa alinmang labanan, huwag tayong pakasiguro sa
tagumpay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento