Ang Mag-amang
Manggigiling at ang Buriko
Ang mag-amang manggigiling ay may malaking problema.
Nagkaroon ng salot sa bukid na ikinatuyo ng mga trigo. Kahit isang piraso ng
tinapay ay wala silang makain. Tanging ang nag-iisang Buriko ang pag-asa na
lang nila. Naisip ng amang isama ang anak upang ipagbili sa palengke ang
Buriko.
Ginabayan nila sa paglalakad ang Buriko. Nang makita ng mga
tagapaglaba sa ilog na pawisan ang bata sa kalalakad ay nagkomentaryo sila.
“Kaawa-awang bata. Pinipilit paglakarin. Bakit hindi
pasakayin?”
Narinig ng ama ang komentaryo kaya isinakay niya ang anak sa
Buriko.
Nang makita naman ng mga mangingisda na uugud-ugod na ang
ama sa paglalakad ay nagbigay sila ng opinyon. Ang sabi nila, “Hindi yata
tamang komportableng nakasakay ang bata samantalang pawisang susunud-sunod ang
matanda.”
Narinig ng anak ang komentaryo kaya hiyang-hiya siyang
bumaba at pinasakay ang ama sa buriko.
Nang maparaan naman sila sa isang hulmaan ng mga palayok at
makita ng mga tagahulmang humihingal sa pagod ang anak ay nagpayo sila.
“Dapat lang sigurong sumakay pareho ang mag-ama sa Buriko
upang komportable silang makapaglakbay.”
Sinunod ng mag-ama ang payo. Pagud na pagod ang Buriko sa
bigat ng mag-ama. Nang matanawan sila ng isang magsasaka ay narinig nila ang
komentaryo nito.
“Pawis na pawis na ang Buriko ninyo. Saan ba kayo pupunta?
Bakit hindi ninyo ipahinga muna ang Buriko?”
“Sa palengke. Ipagbibili namin ang Buriko.”
“Malapit na malapit na rito ang palengke. Bakit hindi ninyo
buhatin ang Buriko. Mahal na mabibili yan kung malakas at masiglang makikita ng
sinumang gustong bumili.”
Napangiti ang mag-ama. Gusto nilang mabili nang mahal ang
Buriko nila kaya sinunod nila ang payo.
Naghanap sila ng kawayan at mahabang tali. Itinali nila ang
buriko at pinasan. Hirap na hirap ang mag-ama sa pagbuhat sapagkat hindi sanay
na nakatali ang Buriko. Nagwawala ito. Nang maparaan ang mag-ama sa isang
mataas na tulay ay nagpumiglas ang Buriko. Inakala kasi nito na itatapon siya
sa rumaragasang ilog.
Sa pagwawala nito ay umuga-uga ang marupok na tulay na
kaagad bumigay. Nahulog at natangay ng rumaragasang tubig ang mag-ama kasama
ang Burikong kanilang tanging pag-asa.
Aral: Kailangang ang
payo ay pinag-iisipan kung totoong makatutulong kaninuman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento