Ang Kuneho at ang Aso
Isang hapon, nag-iikot ang isang Asong humahanap ng
mabibiktima. Nalulungkot siya sapagkat wala na siyang almusal, wala pa rin
siyang tanghalian at kung mamalasin ay baka wala rin siyang magiging hapunan.
Lihim na natuwa ang gutum na gutom na Aso sapagkat natanawan
niyang sumulpot sa talahiban ang isang malusug na malusog na Kuneho. Nagtago sa
likod ng puno ng banaba ang naglalaway na Aso. Nang mapalapit ang Kuneho ay
ngingisingising lumabas ang Aso.
“Magandang hapon sa iyo, Kuneho!”
“Magandang hapon naman,” tugon ng binati na takang-takang
hindi siya ngayon tinatahulan ng maingay na Asong kinatatakutan.
“Mu… mukhang pumanhik ka yata sa kabundukan?”
“A, oo,” hindi nagpahalata ang kinakabahang Kuneho,
“nagpahangin lang ako sa itaas ka… kaya heto at puno na naman ng sariwang
hangin ang baga ko. Mabuti ang hangin sa kabundukan. Nagpapalusog ito ng ating
pangangatawan.”
“Hmmmm…” pinisil-pisil ng Aso ang siksik na katawan ng
Kuneho at nagsabing, “malusug na malusog ka nga. Malusug na malusog.”
Nang mapansin ng Kunehong inilalapit na ng Aso ang matatalim
na mga ngipin upang sagpangin ang leeg niya ay humaririt na siya ng takbo.
Takbo sa loob ng kagubatan ang takut na takot na Kuneho.
Lalong pinag-ibayo ng Aso ang pagtugis dito. Sige sa pagtakbo ang Kuneho at
sige sa paghabol ang lokong Aso. Kung mabilis na mabilis humabol ang gutom na
Aso ay parang ipu-ipo rin sa pagtakbo ang pobreng Kuneho. Aabutan na sana ng
Aso ang gagawing hapunan nang papasukin ng ka-pamilyang Kuneho ang kalahi
nilang nakikipaghabulan sa kamatayan. Nanghinayang ang gahamang Aso sa
kabiguan.
“Hoy, Aso. Malas ka at di mo nakuha ang iyong hapunan. Isang
maliit na Kuneho lang pinaalpas mo pa sa iyong mga kamay.”
“Oo. Isang maliit na Kuneho lang. Pero pantawid gutom lang
naman ang aking ipinakikipaglaban. Ang ipinagtatanggol ng maliit na Kuneho ay
buhay at kaligtasan.”
Aral: Ang pansariling
kaligtasan ay dapat ipakipaglaban.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento