Si Mario, si Ana, at
ang Isda
Tuwang-tuwa ang mangingisdang si Mario nang may nabingwit
siyang isang malaking isda. Nang ilalagay na niya ito sa buslo, bigla itong
nagsalita,
“Huwag!” Muntik nang mahulog sa bangka si Mario sa malabis
na pagkagulat.
“Ibalik mo ako sa tubig at bibigyan kita ng kayamanan,” sabi
ng isda, na nagpipilwag.
Nang mahulasan si Mario, tinanong niya ang isda, “Ano ka ba,
impakto?”
“Hindi, ako ay alagad ng mga sirena na naatasang magbantay
dito sa malapit sa pampang. May kapangyarihan ako – mahika! Kaya ibalik mo lang
ako sa tubig at ipagkakaloob ko sa iyo ang hihilingin mo.”
Naalaala ni Mario ang dampang tinitirhan niya. Lagi itong
inirereklamo ng asawa dahil sa kaliitan. “Nais ko ang malaking tirahan,” sabi
niya sa isda.
“Masusunod. Umuwi ka na at makikita mo ang iyong malaking
tahanan,” sabi ng isda na kaagad namang ibinalik ng lalaki sa tubig.
Hindi lang malaki ngunit tila palasyo ng hari sa gara ang nadatnan
niya. “Sa palagay ko, hindi na ako aawayin ni Ana. Malaki na ang bahay namin.”
Nguni’t hindi pa pala nasisiyahan ang asawa. “Hulihin mo uli
ang isda. Sabihin mong walang mga kasangkapan. Dapat ay iyong magagandang mesa,
silya, kama at mga dekorasyon sa bahay.”
Palibhasa’ y takot sa babae, bumalik si Mario sa dagat at
namingwit. “Sana’y huwag ko na siyang mahuli para hindi na ako makahingi.
Nakakahiya naman ang asawa ko,” bulong niya sa sarili.
Nagkataong lumalangoy pala sa malapit ang malaking isda at
nang makita si Mario, ito’y lumukso sa kanyang bangka. “Ano, kaibigan,
nagustuhan mo ba ang bahay mo?”
“Oo nga, maraming salamat. Nguni’t nakikiusap ang asawa ko,
kung maaari raw, mabibigyan mo ba raw kami ng mga kasangkapan?” nahihiyang
tanong ng mangingisda.
“O, sige. Bumalik ka na sa inyo at naroon na ang mga
hinihiling ng asawa mo.”
Natitiyak ni Mario na matutuwa na ngayon si Ana. Malaking
biyaya na talaga ang ibinigay sa kanila ng isda. Pagdating niya sa bahay,
sinalubong siya ng asawa sa pintuan.
“Balikan mo uli ang isda. Humingi ka naman ngayon ng
magagarang alahas at magagandang kasootan. Nais kong makita ng lahat dito sa
bayan natin na tayo ang pinakamayaman dito,” utos ng babae sa asawa, na alam
niyang hindi kayang sumuway sa bawa’t sabihin niya.
Hiyang-hiya si Mario na humarap uli sa isda, na madali
niyang nakita sa pampang na pinaglalagian nito. “Nakakahiya sa iyo,” halos
hindi niya maibuka ang bibig, “ngunit may hinihingi na naman ang asawa ko.”
Matagal na hindi sumagot ang isda, parang nag-iisip.
Kapagkaraka ay nagsalita, “Nakikilala ko na kung ano ang uri ng pagkatao ang
asawa mo. Isa siyang sakim at walang pakundangang babae. Hindi siya marunong
mahiya, at hindi rin siya mabait na asawa. Parurusahan ko siya. Kukunin ko uli
lahat ng naibigay ko na sa kanya.” Lumukso sa tubig ang isda at matuling
lumangoy papunta sa laot.
Nang umuwi si Mario, nakita niya si Ana na nakaupong umiiyak
sa hagdang kawayan, ng dati nilang dampa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento