Si Jesus at ang
Matandang Bulag
Nang sampung taon pa lamang ang gulang ni Jesus, tulad ng
ibang mga bata, mahilig din siyang maglaro at maglakad-lakad sa mga kalsada
para maglibang.
sang araw, sa pamamasyal niya, nakakita siya ng matandang
lalakeng bulag na nag-babantay ng pinatutuyong palay. Nasa nakalatag na banig
ang palay sa gitna ng daan. At ang matanda ay nasa bangko sa tabi nito.
Palibhasa’y bulag hindi nga makikita ng matanda ang mga
manok na lalapit para tumuka sa palay na binabantayan, kaya ang matanda ay
nakikinig lamang sa tok-tok ng tuka ng manok at bubugawin niya ang mga ito sa
pamamagitan ng hawak na pamalo.
Nang makita siya ni Jesus, naisipan ng batang magbiro sa
matanda. Umupo siya sa tabi ng banig na may palay at itinuktok ang daliri sa
banig.
“Tuk- tok- tuk- tok.”
“Su! Su!” sigaw ng matanda at iwinasiwas ang pamalo sa
dakong kinariringgan ng tuktok.
“Tuk-tok! tuk-tok!” talagang nawiwili pa rin sa kanyang
pagbibiro ang batang si Jesus.
“Su! Matigas ang ulo ng manok na ito, a,” sabi ng matanda.
“Tuk-tok!”
Tuluyan nang nagalit sa “manok” ang matandang bulag at
ibinato ang tangang patpat sa dakong kinariringgan ng tuktok. Tumama ang patpat
sa balikat ni Jesus at anong laking himala!
Biglang nakamulat ang bulag at nakakita ng liwanag. Siya
nga’y hindi na bulag at ang unang nakita niya ay isang batang lalake na
nakangiti sa kanya.
“Naku, Totoy, tinamaan ka ba ng aking patpat? Ang binabato
ko ay manok. Ikaw yata ang tinamaan ko. Ngunit ano itong himalang nangyari sa
akin? Salamat po sa Diyos!”
Lumakad nang paalis si Jesus na hindi nagsalita habang ang
matanda’y takang-taka pa rin sa pangyayari habang tuloy pa rin ang
pagpapasalamat sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento