Ang Nawawalang
Prinsesa
Nawawala ang prinsesa gabi-gabi ngunit, walang makapagsabi
kung saan siya pumupunta.
Nagpabalita na ang hari na ang sinumang makapagtuturo kung
saan tumitigil ang anak tuwing hating-gabi ay bibigyan ng kalahati ng kaharian
at, kung binata, ay ipakakasal sa prinsesa. Ngunit, kapag nabigo ang
nagprisintang magbabantay, pupugutan siya ng ulo.
Marami ang nagtangkang makipagsapalaran hindi lamang dahil
sa kayamanang matatamo kundi dahil sa napakaganda raw ng prinsesa. Ang lahat ng
mga ito ay nabigo. Wala pa ring makapagsabi kung bakit nawawala ang prinsesa sa
hating-gabi.
Sa kalagitnaan ng gubat na malapit sa palasyo, may isang
dampang tinitirhan ng isang matandang mangkukulam. Isang araw ay dinalaw ang
matanda ng binatang napamahal sa kanya dahil madalas siyang tulungan nito.
Ngayon naman, ang binata ang humihingi sa kanya ng tulong.
“Maganda pong talaga ang prinsesa kaya tulungan po ninyong magtagumpay ako sa
kanya.”
Binigyan siya ng matanda ng isang balabal na kapag kanyang
isinampay sa mga balikat niya ay hindi siya makikita ninuman. Binindisyunan
siya ng matanda at pinagbilinang magpakaingat bago siya nagpaalam.
Nang gabi ring iyon, nasa labas na nga siya ng silid ng
prinsesa at handang magbantay. Biglang nabuksan ang pinto at tumambad sa
kanyang paningin ang napakagandang binibini.
May iniabot sa kanyang isang basong inumin na noong
makatalikod ang prinsesa ay kanyang itinapon sa isang masitera ng halaman.
Naluoy agad ang mga dahon ng halaman.
Nagkunwaring natutulog, ang binata sanhi ng tinunggang
inumin. Nang maramdaman niyang lumabas sa silid ang prinsesa, isinoot niya ang
mahikang balabal at sinundan niya ito. May dinaraanan palang tagong pintuan ito
na palabas sa palasyo.
Sumakay sa isang naghihintay na karwahe ang prinsesa. Di
nito alam ay kasama ang binata dahil hindi niya nakikita ito.
Nagtuloy sa isang malayong gubat ang karwahe. Sa gitna ng
mga kahuyan huminto ito at bumaba ang prinsesa. Nakipag sayaw siya sa mga
gitanong nagkakaipon doon at nagsasaya.
Sa likod ng isang puno, tinanggal ng binata ang kanyang
balabal at naglagay ng maskara.
Nilapitan niya ang prinsesa at sila’y nagsayaw. Nagsayaw
sila nang nagsayaw hanggang mapagod ang dalaga at halos mabutas ang mga suwelas
ng sapatos.
Muling isinoot ng binata ang balabal nang paalis na ang
karwahe at sila’y bumalik sa palasyo.
“Masasabi mo ba kung bakit nawawala ang prinsesa sa
hating-gabi?” tanong ng hari nang humarap sa kanya ang binata kinaumagahan.
“Opo, Mahal na Hari! Nakikipagsayaw po siya sa mga gitano sa
gubat gabi-gabi. Ito po ang katunayan-itong halos warak nang sapatos na kinuha
ko sa kanyang pinagtapunan matapos na makasayaw siya.”
Ipinatawag ng hari ang prinsesa at hindi naman ito
makatanggi sa amang nagpakita ng katunayan. Balak pa sana ng prinsesa na umayaw
na maging asawa ang binata, ngunit nang ilagay nito ang maskara, nakilala niya
ang kasayaw na kinagiliwan nang nagdaang gabi.
Tumugtog ang banda at masuyong niyaya ng binata na magsayaw
sila ng prinsesa na masaya namang yumakap sa kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento