Isang Aral Para kay
Armando
Laging naiisip ni Armando na napakarami namang ipinagbabawal
ang ina sa kanya. Madalas niyang marinig ang “Huwag mong gawin ito,” “Huwag
mong gawin iyan.” Sumasama ang loob niya kapag naririnig niya ang mga ito.
May isang bagay na talagang lagi niyang gustong gawin kahit
ipinagbabawal ng ina – ang maligo sa ilog. “Napakabilis ng agos ng tubig sa
ilog. Maliit ka pa at kaya kang ianod nito,” laging paalala ng ina.
Ngunit naniniwala si Armando na kaya niya. Marunong naman
siyang lumangoy dahil tinuruan ng Tito Manuel niya. “Matatakutin lang talaga si
Nanay,” sabi niya sa sarili. “Ang sarap siguro talagang lumangoy sa ilog.
Mukhang kay la’mig ng tubig.”
Kaya nga, isang araw, kasama ng apat na kalarong bata,
nagpunta sila sa ilog. Masaya silang naghubad ng kamiseta at tumalon sa tubig.
Ang sarap maglaro sa tubig. Wiling-wili ang mga bata. Maya-maya, naisip ni
Armando na lumangoy sa banda-bandang unahan. Unti-unti siyang umusad.
Bigla na lamang bumilis ang agos ng tubig at siya’y
tinatangay na palayo, patungo sa malalim na parte ng ilog. Pinipilit niyang
pigilan ang katawan ngunit hindi niya makaya ang malakas na agos ng tubig.
“Ben!” sigaw niya. “Saklolo!”
Ngunit hindi rin magaling lumangoy ang mga kasama niya. Napamulagat
na lang sila sa di-masaklolohang kababata. Mabuti na lang at may biglang
tumalong lalaki mula sa mga kahuyan. Naroon pala ang isang kanayon nila na may
paiinuming baka.
Nasagip si Armando ng lalaki ngunit may ilang sandali bago
siya nahulasan. “Salamat po, Mang Tacio. Akala ko’y katapusan ko na. Nagdasal
po ako at kayo ay dumating. Dapat nga pala akong sumunod sa sinasabi ni Nanay.”
Tama si Armando. Batid ng mga magulang ang nararapat sa mga
anak kaya dapat silang sundin. Ang isa pang natutuhan ni Armando ay kapag nasa
panganib, tumawag agad sa Diyos at ang tulong ay darating.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento