Kaibigan Daw
Isang hapon, naglalakad ang dalawang binatang magkaibigan sa
gubat. Masaya nilang pinag-uusapan ang mga karanasan nila nang bigla na lamang
nilang narinig ang kaluskos sa may gawing likuran.
Nang lingunin nila ay natanaw nilang dumarating ang
napakalaking oso. Mabilis na umakyat sa katabing puno ang isa sa binata. Hindi
niya naalaalang pagsabihan man lang ang kasama sa laki ng takot sa mangyayari
sa sarili.
Naiwan ang kasama na di na makakibo dahil sa aabutan na ng
oso. Naisipan na lamang niyang dumapa sa kinatatatayuan niya at magkunwaring
patay. Alam niyang hindi inaano ng oso ang mga taong patay.
Lumapit nga ang oso, inamoy-amoy ang taong pigil na pigil
naman ang paghinga. Pagkaraan ng ilang sandali, iniwan na siya ng oso at lumayo
na ito.
Bumaba sa puno ang unang lalaki. “Ano ang ibinulong sa iyo
ng oso?” ang pabiro niyang tanong sa kasama.
“Sabi niya sa akin,” sagot ng binatang dumapa, “hindi raw
maaasahan ang isang kaibigang iiwan sa iyo sa gitna ng kagipitan. Hindi raw
ganoon ang tunay na kaibigan.” Naghiwalay ang dalawa, ang isa’y nahihiya, at
ang isa’y nagdaramdam.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento