Noong Unang Panahon
sa Pilipinas
Sabi ng Lolo ko, noon daw araw ang ating bansa, ang
Pilipinas, ay karugtong ng ibang lupain sa Asya. Magkarugtong din daw ang
Luzon, Bisaya at Mindanaw.
Dahil sa pagbabago ng daigdig, sa mga bagyo, lindol,
pagsabog ng mga bulkan, baha at iba-iba pang nangyayari sa kalikasan, nagbago
rin ang ayos ng mga lupa at dagat. May mga lupa pa ngang lumubog sa dagat. At
nahiwalay nga ang Pilipinas sa Asya. Pati ang Luzon, Bisaya at Mindanaw ay
napalayo sa isa’t isa at naligid ng dagat.
Noong mga panahong iyon, walang mga bukid sa Pilipinas. Puro
puno, baging, mga damo at gubat. Marami ring mababangis na hayop na ngayon ay
di na makita dito.
Mahusay manghuli ng hayop ang ating mga ninuno. Tinutugis
nila ito, sinisibat o pinapana hanggang mamatay. Kung minsan, ginagamitan nila
ng mga patibong o bitag ang mga hayop para mahuli nila.
Sabi ng Lolo, dahil daw sa paraang ito, unti-unting naubos
ang mga hayop. Maaari rin namang dahil sa pagbabago ng klima at kapaligiran.
Nang matuklasan ng ating mga ninuno ang apoy ay umunlad nang
kaunti ang kanilang buhay. Dati nga ay kinakain nila nang hilaw ang mga karne
ng hayop at mga lamang-dagat. Sa pagtuklas nila ng apoy, nagkaroon din tuloy
sila ng pang-ilaw sa dilim, at pampainit ng katawan kung malamig ang panahon.
Bukod sa kinakatay na hayop, nangunguha rin sila ng mga
bungang-kahoy para makain. Nang mabatid nilang ang mga butong napabaon sa lupa
ay tumutubo, natuto silang magtanim at maghalaman.
Di-nagtagal marami na silang natutuhan – paggawa ng mga
bahay, mga bangka, mga kasangkapan. Natuto silang magsama-sama at manirahang
magkakatabi sa isang pook. Ito ang pinagmulan ng mga komunidad.
Ang mga babae, at kahit din ang mga lalake, ay natutong
gumawa at gumamit ng mga alahas, mga kuwintas, hikaw at pulseras, at iba pang
palamuti sa katawan. Natuto silang yumari ng iba’t-ibang maisusuot, kahit sa
una ay pinukpok na balat ng hayop.
May mga taga-ibang bansa na nakarating sa ating Pilipinas –
mga Insik, mga Indonesiyano, at Malay. Marami ay tumira dito, ang iba’y
nakikipagkalakalan. Maraming naituro ang mga dumarating para umunlad ang buhay
ng ating mga ninuno. May mga natutuhan din naman ang mga ito sa ating mga
ninuno.
Dumami nang dumami ang mga naninirahan sa Pilipinas.
Nakikipag-ugnayan sila sa mga taga-ibang bansa at nakikipagpalitan ng mga kaalaman.
Kaya, nga, sabi ng Lolo, nang dumating ang mga Kastila, isa
nang maunlad na lipunan ang nalikha ng ating mga ninuno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento