Reynang Matapat
Si Reyna Sima ay isa sa mga reyna na namuno ng isang
kaharian sa ating kapuluan. Nakilala siya dahil sa katalinuhan, katapatan at sa
mahigpit at maayos na pamamalakad sa panunungkulan.
Bago pa man dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan ay
pinagdarayo na ng mga mangangalakal na Arabe, Intsik at Hindu ang kaharian ng
Kutang-Bato na pinamumunuan ni Reyna Sima. Ang Kutang-Bato ay siya ngayong
Cotabato, isa sa pinakamalaking lalawigan sa Mindanao.
Sa pamumuno ni Reyna Sima, umunlad at namuhay nang tahimik
at sagana ang mga taga Kutang-Bato. Mahigpit niyang ipinasunod ang mga batas at
ang sinumang lumalabag sa ipinag-uutos ng Reyna ay pinarurusahan.
Kabilang sa patakaran na mahigpit na ipinatutupad ng reyna
ay ang paggalang, paggawa, at katapatan ng kanyang mga tauhan.
Patuloy na dumarating at umaalis ang mga negosyanteng Intsik
sa Kaharian ng Kutang-Bato. Napabalita ito dahil sa maunlad na kalakalan sa
kaharian ni Reyna Sima at sa katapatan ng kanyang mga tauhan. Walang kaguluhan
at walang nawawalang bagay sa sinumang mangangalakal habang sila ay nasa
kaharian ng Kutang-Bato.
Minsan, isang negosyanteng Intsik na nakipagkalakalan sa
kaharian ni Reyna Sima ang nakaiwan ng supot ng ginto sa isang mesa sa palasyo.
Hindi ipinakibo ni Reyna Sima ang supot ng ginto sa mesa. Ipinagbiling mahigpit
ng Reyna Sima sa kanyang mga nasasakupan na walang gagalaw ng naturang supot ng
ginto. Ganito kahigpit ang utos ni Reyna Sima sa kanyang nasasakupan upang sa
ganito ay muling datnan ng may-ari sa lugar na kanyang pinag-iwanan ang supot
ng ginto.
Mula noon, lalong nakilala ang kaharian ni Reyna Sima dahil
sa kahigpitan nito sa pagpapatupad ng kautusan tungkol sa katapatan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento