Ang Anino ng Buriko
Isang umaga inarkila ng isang manlalakbay ang Buriko ng
isang magsasaka.
Nang lumabas sa kulungan ang Buriko ay sumakay na ang
manlalakbay habang sumusunod naman ang magsasaka sa likuran. Upang
mabilis-bilis na lumakad ay pinapalu-palo ng magsasaka ang likod ng Buriko.
Mainit na mainit ang kapaligiran kaya ang tatlo ay
pawisang-pawisan. Kapag nakakatisod ng malaking bato ay nawawala sa balanse ang
Buriko. Ikinatitiwarik ito ng manlalakbay na pagewang-gewang sa pagkakaupo niya
sa ibabaw.
Tulak dito, hila diyan.
Pawisan ang manlalakbay. Humihingal naman ang magsasakang
nasa likuran. At ang Buriko? Pawisan na, hihingal-hingal pa bukod sa mga palong
lumalatay sa likuran niya. Kaawa-awa talaga ang Burikong sinakyan na ay
minaltrato pa.
Mabuti at naisipan ng manlalakbay na magpahinga muna.
Sapagkat disyerto ang kapaligiran ay wala silang makitang punong
mapagpapahingahan.
Nang mapansin ng magsasaka at manlalakbay na tanging anino
lang ng Buriko ang mapagpapahingahan ay nag-unahan ang dalawa sa munting
silungan.
"Aba, aba. Akin ang pahingahang iyan," pag-aangkin
ng manlalakbay, "ako ang may karapatan diyan sapagkat ako ang umarkila sa
Buriko."
"Teka!" giit ng magsasaka. "Akin ang Buriko
kaya akin din ang anino nito." "Akin ito!" giit ng manlalakbay.
"Hindi. Akin ito," galit na pagpupumilit ng
magsasaka.
Sinuntok ng magsasaka ang manlalakbay na ikinatumba nito.
Hinila naman ng manlalakbay ang paa ng magsasaka na ikinagulong nito sa
buhanginan.
Buntalang umaatikabo. Suntukang punung-puno ng galit.
Murahan, sigawan. Nang matanawan ng Burikong duguan ang mga mukha ng
nagsisipaglabang galit na galit na nagsisigawan ay nagtatakbo ito sa takot.
Wala itong anumang dala kundi ang aninong pinagtatalunan ng dalawang sakim na
kaluluwa.
Aral: Ating
pasalamatan ang sinumang pinagkakautangan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento