Ang Biik at ang mga
Tupa
Isang may katigasan ang ulong Biik ang inis na inis sapagkat
lagi na lang siyang nasa kulungan. Naiinggit siya sa mga Tupa na lagi nang
ipinapasyal ng kanilang pastol.
Minsang natutulog ang mga kapatid niya ay pumuslit sa
nakaawang na pintuan ang Biik. Namasyal siya sa bukid at napatalon sa tuwa nang
makitang ipinapasyal ng pastol ang mga Tupa. Sumunud-sunod siya sa mga Tupa at
nakipagkuwentuhan pa sa kanila. Napakamot ng ulo ang pastol sapagkat ngayon
lang niya nakitang kinagigiliwan ng mga alaga niyang Tupa ang isang Biik na
hindi naman nila kauri. Sapagkat marunong makisama ang Biik, itinuring siyang
kaibigan ng mga Tupa.
Nang iniuwi na sa kural ang mga Tupa ay tinanong ng pastol
kung paano uuwi ang Biik sa kanila. Napayuko ang Biik. Inakala ng pastol na
walang uuwiang mga kapatid at mga magulang ang Biik kaya isinama siya sa kural
ng mga Tupa.
Naging masaya ang Biik sa kawan. Lagi silang ipinapasyal ng
pastol. Laging busug na busog silang magkakasama.
Sa pagmamatiyag ng Biik ay napapansin niyang isang Tupa ang
laging kinakarga ng pastol. Inusisa niya ang pinakamatalik na kaibigan kung
bakit. Hindi kumibo ang kinausap. Masusing tinatanaw ng Biik kung saan dinadala
ang Tupang kinakarga ng pastol. Nabuo sa kaniyang isipan ang isang katatakutan.
Alam kasi niyang isang araw ay maaari ring kargahin siya ng pastol at ilabas sa
kural.
Ang pinangangambahan niyang araw ay dumating nga. Sa halip
na isang Tupa ay siya, dating Biik at ngayon ay may katabaan at mapupulang
pisngi, ang kinarga ng pastol.
Nagsisigaw sa takot ang matabang Baboy. Inusisa siya ng mga
Tupa kung bakit nagsisigaw siya.
“Kapag kinarga ka ng pastol,” humihikbing sabi ng Baboy,
“maaaring balatan ka lang at kunan ng balahibong bulak o kung inahin kang Tupa
ay kunan ka naman ng gatas. Samantalang ako ay tiyak na kakatayin lamang niya
sapgkat wala akong taglay na gatas o balahibong bulak na maipagbibili niya.”
“Ta… tama ka,” nagyukuan ang lahat sa katotohanang tinuran
ng kanilang kaibigan.
Aral: Kung saan ang
buhay ay napangangalagaan, doon tayo makipanirahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento