Si Paruparo at si
Langgam
Takang-taka si Paruparo habang minamasdan niya si Langgam na
pabalik-balik sa paghahakot ng pagkain sa kanyang lungga sa ilalim ng puno.
“Ano ba iyang ginagawa mo, kaibigang Langgam? Mukhang pagod
na pagod ka ay di ka man lang magpahinga?” tanong ni Paruparo. “Bakit di ka
magsaya na tulad ko?”
“Naku, mahirap na,” aniya. “Malapit na ang tag-ulan. Iba na
ang may naipon na pagkain bago dumating ang tag-ulan.”
“Kalokohan iyan. Tingnan mo ako. Hindi natitigatig,”
pagmamalaki ni Paruparo.
“Bakit nga ba?” Nagtataka si Langgam.
“Ganito iyon, e. Nakikita mo ba ang kaibigan ko sa damuhan?”
inginuso niya ang nasa di kalayuan.
“Sino?’ tanong ni Langgam.
“Si Tipaklong, kaibigan ko iyan, Alam mo, matapang ang
kaibigan ko. Nabibigyan niya ako ng proteksyon. Baka akala mo, dahil sa kanya
walang sigwang darating sa akin,” pagyayabang ni Paruparo.
“A, ganoon ba?” sabi ni Langgam.
“Utak lang, utol. O, di pakanta-kanta lang ako ngayon dito.
Ikaw lang e,” sabi ni Paruparo.
“Wala akong inaasahan kundi ang aking sarili. Kaya kayod
dito, kayod doon,” mababa subalit madiin ang tinig ni Langgam. “O, sige,
ipagpapatuloy ko muna ang aking gawain.”
Pagkatapos ng usapang iyon nagkahiwalay ang dalawa.
Ang mga sumusunod na araw ay maulan. Hindi lamang mahabang
tag-ulan. May kasama pang bagyo at baha. Mahirap lumabas at kung makalabas man
wala ring matagpuang pagkain.
Lalong umapaw ang tubig. Walang madaanan ang tubig dahil
malalim din ang mga ilog at dagat. Tumagal ang baha. Palubha nang palubha ang
kalagayan dahil malakas pa rin ang pagbuhos ng ulan.
Ano kaya ang nangyari kay Langgam? Naroon siya sa guwang ng
puno. Namamahinga. Sagana siya sa pagkain. Naisipan ni Langgam ang dumungaw
upang alamin ang kalagayan ng paligid. Aba, ano ba ang kanyang nakita?
Nakita niya si Paruparo at Tipaklong na nakalutang sa tubig.
Patay ang dalawa. Mayamaya’y dalawang mabilis na ibon ang mabilis na dumagit sa
kanila.
Napaurong sa takot si Langgam sa kanyang nakita. Subalit
nasabi pa rin niya sa kanyang sarili: “Kung sino ang may tiyaga, siya ang
magtatamong pala.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento