Ang Leon at ang Daga
– Second Version
May isang Leyong mahimbing na natutulog sa ilalim ng puno
nang may lumapit ditong isang Daga. Inakala ng Daga na tuyong damo ang buhok ng
leyon kaya kinutkut-kutkot niya ito. Nagising ang Hari ng kagubatan at mabilis
na umiktad at dumamba-damba na ikinahulog ng pobreng Daga. Dali-daling sinakmal
ng matutulis na kuko ng Leyon ang gumambala sa kaniyang pagtulog.
“Pa… patawarin ninyo ako, mahal na Hari. Hindi ko sinasadya
ang paggambala sa inyong pagtulog. Marami po ang mga anak ko na dapat pakainin.
Kung mapapalaya ninyo ako ay tatanawin ko itong malaking pagkakautang.
Makakabayad din po ako sa inyo sa hinaharap.”
“Hindi man lang ako mabubusog kung kakainin kita. Sige,
makalalaya ka na!”
Isang araw ay makikitang paikut-ikot sa gubat ang Leyon.
Naghahanap siya ng pagkain sa pananghalian. Nang matanawan ang nakabiting
inihaw na tapa ng Usa sa isang puno ng akasya ay dali-dali itong nagtatakbo. Sa
kasamaang palad, bitag pala iyon ng mga mangangaso.
Nakulong sa makakapal na lubid ang Hari ng kagubatan. Hindi
siya makawala sa bitag. Pinilit niyang magdadamba pero napatali pati mga paa
niya. Walang nagawa ang lakas ng Hari.
Nagkataong nagdaraan ng tanghaling iyon ang Daga kasama ang
kaniyang mga anak. Naisip ng Inang Daga ito ang oras na kailangang bayaran niya
ang pinagkakautangan ng buhay.
Dali-daling lumapit ang Daga at pinagngangatngat ang makapal
na lubid sa paa ng Leyon. Inutusan niya ang mga anak na ngatngatin naman ng mga
ito ang makakapal na lubid sa ulunan ng Hari. Sa tulung-tulong na pagkagat sa
mga lubid ay napalaya ng mga Daga ang Leyon.
“Dati-rati ay minaliit ko ang katauhan mo,” pagpapakumbaba
ng Leyon.
“Totoo nga pala na kung may malalaking nakakatulong sa
maliliit ay makatutulong din ang maliliit sa isang higanteng katulad ko.”
Naging matalik na magkaibigan ang Daga at ang Leyon magmula
noon.
Aral: May maliit na
nakapupuwing.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento