Alamat ng Kamatsile
Sa isang gubat na madawag, may tumubong puno ng kamatsile na
may malaganap na mga sanga. Sa tabi nito'y may nagsitubong iba't ibang mga
punong may magagada't mababangong bulaklak na nakakahalina sa mga naglalakbay.
Ang kamatsile lamang ang tanging walang bulaklak na maipagmalaki, nguni't
maganda naman ang pagkakahubog ng kanyang malalago at malalabay na mga sanga.
Subali't di man ito makatawag-pansin sa mga manlalakbay at di man siya tapunan
ng bahagyang tanaw at ito ang ipinagmimighating malabis ng abang puno ng
kamatsile.
Isang araw, malakas na naibulalas ng kamatsile ang kanyang
hinanakit. "Naku! Anong pagkalungkot-lungkot na buhay itong akin. Kung ako
ba'y nagtataglay ng bulaklak na katulad ng mga katabi kong puno, sana'y
makagagayuma rin ako sa mga taong dito'y nagsisipagdaan."
Ang ganyan niyang himutok ay umabot sa pagdinig ng cadena de
amor na gumagapang sa kanyang paanan. Kaya't ang daing ng kamatsile ay kanyang
sinagot. "Madaling lutasin iyan, kung nais mong magkaroon ng bulaklak na
kaakit-akit ay tulutanmong ako'y mangunyapit sa iyong mga sanga."
Ang kamatsile ay sumang-ayon sa magandang mungkahi ng cadena
de amor. Di naglipat araw at ang dating nag-iisang puno ng kamatsile ay
nag-uumugong sa mga bubuyog na sa kanya'y laging nag-kukumpol-kumpol. Ang mga
tao naman ay di siya iniiwan ng tingin.
Nguni't pagkalipas ng ilang linggo ay di na makatagal sa
sukal na sa kanyang sanga ay nakabalot. Kaya't sa cadena de amor, siya'y di
makatiis na di magpahayag ng kanyang dinaramdam. "Oo ngat ako'y
hinahangaan ng maraming tao, di ko naman malanghap ngayon ang mabangong simoy
ng hangin, di ko man lamang masilayan ang mga baging na iyong ibinalabal sa
akin.
"Subali't ano mang pagsusumamo ng abang puno ng
kamatsile ay nawalan ng saysay sa lubos na nasisiyahang cadena de amor. Nguni't
sa malaking habag ng Maykapal ay pinagkalooban din siya ng pananggalang sa
cadena de amor. Ang tinik na magpahanggang sa ngayon ay nagmamalasakit sa
kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento