Ang Bata at ang Lobo
Minsan ay namamasyal sa kabukiran ang isang bata nang
matanawan niya ang isang papalapit na Lobo. Sa sobrang takot ay yumuko siya
kaagad sa gitna ng mga damo.
Magaling maghanap ang Lobo kaya madaling-madali siyang
nakita nito. Gusto niyang kumaripas ng takbo pero natatakot ang batang
sagpangin siya nito.
Huminga nang malalim ang bata at ipinagpasa-Diyos na lang
niya ang mangyayari sa kaniya.
“Ma… Maawa kayo, Ginoong Lobo. Huwag sana ninyo akong
kainin. Mabait na bata po ako.”
Ngumisi ang Lobo at mayabang na inilabas ang nangingislap na
mga pangil upang lalong takutin ang kaharap. Sapagkat busog pa sa kakakain pa
lamang na bibe sa katihan, minabuti ng Lobo na idaan sa isang pagsubok ang
nangangatog na bata.
“O sige. Hahayaan kitang makalayo kung masasabi mo sa akin
ang tatlong bagay na sa ganang sarili ay may katotohanang hinding-hindi ko
mapapabulaanan.”
Namimilog ang mga matang mabilis na nag-isip ang pobreng
bata, kahit nangangalog ang baba ay pinasimulan niya ang pagpapatotoo.
“Una,” sabi nito sa tinig na pilit na pinalalaki, “kaawa-awa
ang kalagayan ko kaninang makita mo ako.”
“Ta… tama!” mabilis na pagsang-ayon ng Lobo.
“Ikalawa, lalong kaawa-awa ang kalagayan ko ngayong nasukol
mo na ako!”
“Aba… aba… tama ka rin diyan.” patangu-tangong pagsang-ayon
ng nakatitig na Lobo. “At ang pangatlo?”
“Pangatlo?” huminga nang malalim ang bata at buong tapang na
nagsabing, “Galit ako sa mga lobo sapagkat wala silang pusong umunawa sa lahat
ng bagay na pinapatay at kinakain nila!”
Ginulat ng bata ang Lobo na noon ay napatulala sa
katotohanang ipinauunawa.
Mapalad ang bata na nakubkob din nito ang damdaming
makatarungan ng Lobong isinusuka sa kasamaan.
Sa pagkapahiya ng Lobo ay ibinigay nito ang kalayaan sa
matalinong batang nanindigan sa katalinuhan at katapangan.
Aral: Ang anumang
desisyon ay nagiging makatarungan lamang kung malalim na pag-iisipan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento