Ang Mangangambing at
ang Kambing
May isang mangangambing na pinaghabilinang mag-alaga ng
isang daang Kambing. Tuwing umaga, lagi na niyang inilalabas ang mga alaga
upang manginain sa malawak na kabukiran. Kapag dumidilim na ay isa-isa na
niyang pinipituhan ang mga alaga upang maibalik sa kulungan.
Minsang pinipituhan na niya ang bawat alaga ay
kapansin-pansing may isang nawawala. Natanawan niyang napalayo ito at nakaakyat
sa mataas na batuhan. Pinaswitan nang pinaswitan niya ang Kambing pero hindi
man lang ito tumitinag sa pagkakatayo.
Nagdesisyon siyang iwan na lang ang Kambing. Nang aalis na
siya ay naalala niya ang kasungitan ng may-ari. Tiyak nga namang hahanapin ang
Kambing na nawawala. Nagbalik siyang muli at pumaswit na naman nang pumaswit.
Nang mapansing umingos lang ang nagmayabang na Kambing ay dumampot siya ng bato
at pinukol ang hayop. Nabasag ang kaliwang sungay ng Kambing.
“I… ikinalulungkot ko. Ikinalulungkot ko.” patakbong
pagpapaumanhin ng tagapag-alaga habang hinahaplos at sinusuri ang nabasag na
sungay. “Sa… sana ipangako mo na hindi mo ipagtatapat sa amo natin na akong
tagapag-alaga ninyo ang nakabasag ng sungay mo.”
“Nahihibang ka na ba?” tanong ng kambing. “Alam mong hindi
ko maitatago ang nabasag kong sungay. Tiyak na makikita ito ng mayari sa lalong
madaling panahon at tiyak na marami siyang itatanong.”
Aral: May panahong
naitatago ang lihim pero ito ay mabubunyag din.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento