Ang Kuneho at ang
Pagong
Isang araw ay nagkasalubong sa daan ang Kuneho at ang
Pagong.
Ngingisi-ngising inaglahi ng Kuneho ang Pagong.
“Hoy, Pagong,” sigaw ng Kuneho, “pagkaikli-ikli ng mga paa
mo at pagkabagal-bagal mong lumakad.”
Hindi ipinahalata ng Pagong na siya ay nagdamdam. Upang
patunayang may maipagmamalaki din naman ay sinagot niya ang mayabang na
kalaban.
“Aba, Kuneho, maaaring mabagal nga akong maglakad pero
nakasisiguro akong matatalo kita sa palakasan. Baka gusto mong pabilisan tayong
makaakyat sa tuktok ng bundok pagsikat ng araw bukas! Tinatanggap mo ba ang
hamon ko?”
Tuwang-tuwa ang Kuneho sa hamon ng Pagong. Nakasisiguro
siyang sa bagal ng Pagong ay tiyak na mananalo siya. Upang mapahiya ang Pagong
ay pinagtatawag ng Kuneho ang lahat ng kamag-anak niya. Pinulong niya ang mga
ito at inutusang palakpakan siya kapag matagumpay na naakyat na niya ang tuktok
ng bundok. Iniutos din niyang kantiyawan sa mabagal na pag-usad ang kalaban.
Maagang-maagang dumating sa paanan ng bundok ang maglalaban.
Maaga ring dumating ang iba’t ibang hayop na tuwang-tuwang
makasasaksi ng isang tunggalian.
Kapansin-pansing kung maraming kamag-anak si Pagong ay higit
na maraming kamag-anak ni Kuneho ang nagsulputan.
Nang sumisikat na ang araw ay pinaghanda na ng Alamid ang
maglalaban. Ang mabilis na pagbababa ng kaniyang kanang kamay ang hudyat na
simula na ang laban.
Sabay na gumalaw paakyat ng bundok ang magkalaban. Mabilis
na tumalun-talon ang mayabang na Kuneho paitaas na parang hangin sa bilis. Nang
marating na niya ang kalahatian ng bundok at lumingon paibaba ay natanawan niya
ang umiisud-isod na kalaban.
Maraming naawa sa mabagal na Pagong.
“Kaya mo yan! Kaya mo yan!” pagpapalakas ng loob na sigaw ng
kaniyang tatay, nanay, kuya, ate, at mga pinsan.
“Talo na yan! Talo na yan! Pagkabagal-bagal!” sigaw na
panunudyo ng mga kamag-anak ni Kuneho.
Kahit kinukutya ay sumige pa rin si Pagong. Buong loob siyang
nagpatuloy sa pag-isod.
Malayung-malayo na ang naakyat ni Kuneho. Nagpahinga ito
ilang sandali upang tanawin ang anino ng kalaban. Nang walang makitang anumang
umuusad ay ngingisi-ngising sumandal ito sa isang puno at umidlip.
Kahit na sabihing napakabagal umusad ay pinagsikapan ng
Pagong na ibigay ang lahat ng lakas upang unti-unting makapanhik sa bundok.
Nang matanawang himbing na himbing sa pagtulog ang
katunggali ay lalong nagsikap umisud-isod pataas ang pawisang Pagong.
Palabas na ang araw nang magising si Kuneho. Nanlaki ang mga
mata nito nang matanawang isang dipa na lamang ang layo ng Pagong sa tuktok ng
bundok.
Litong nagtatalon paitaas ang Kuneho upang unahan si Pagong.
Huli na ang lahat sapagkat narating na ng masikap na Pagong ang tuktok ng
tagumpay.
Aral: Ang pagsisikap
ay ginagantimpalaan at ang pagpapabaya ay pinarurusahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento