Alamat ng Binangonan
Ang bayan ng Binangonan ay nasa dakong silangan ng Laguna de
Bay. Ang dagat na ito ay nasa pagitan ng lalawigan ng Rizal at ng Laguna.
Noong araw, ang mga nakatira sa bayan ng Binangonan ay
magkakamag-anak. Sila ay may ugaling madasalin. Nagdadamayan rin sila sa oras
ng kalungkutan at kahirapan.
Lahat ng ito ay nawalang saysay dahil sa isang malakas na
bagyo na dumating sa kanilang bayan.
Marami ang mga nasaktan at napinsala ang kabuhayan dahil sa
bagyo. Marami rin ang ipinadpad doon nga malalaking alon. Isa na rito ang isang
lalaki. Inakala nilang patay na ito at hindi na humihinga.
"Sa ayos ng suot niya ay hindi siya mangingisda.
Tulungan natin siya," anang alkalde ng bayan.
Pinulsuhan ng isang albularyo ang lalaki. Minasahe niya ito
at diniinan sa dibdib para mailabas ang mga nainom na tubig hanggang sa huminga
na ito. Kumilos ang lalaki at nagpilit bumangon.
Mabilis na kumalat ang balita sa nayon at sa mga karatigpook
tungkol sa bumangong patay.
Magmula noon, ang baybay-dagat ay tinawag na nilang
binangunan ng patay.
Ayaw magsalita ng lalaki. Inakala tuloy ng lahat na pipi
ito. Mabait at masipag naman ito kaya pinagkatiwalaan ng alkalde. Maging ang
anak na dalaga ng alkalde ay napalapit din sa estranghero.
Bina ang pangalan ng anak ng alkalde. Si Bina ang nakatuklas
na nakapagsasalita ang binata. Agustin ang pangalan nito at pinag-aaral ng
isang pari sa Maynila. Lumayas siya dahil napagbintangan ng pagnanakaw. Sa
Pateros siya nanunuluyan.
"Namangka ako para pawiin ang aking sama ng loob. Noon
lang ako namangkang mag-isa. Inabutan ako ng malakas na hangin. Inanod ako sa
malayo nang lumaki ang mga laon. Lumubog ang bangkang sinasakyan ko. Pinilit
kong kumapit pero nawalan ako ng malay," malungkot na salaysay ni Agustin.
"Kawawa ka na naman," ang nahahabag na sambit ni
Bina.
Dahil sa pagkakalapit ay nagkaibigan ang dalawa.
Isang gabi ay nagpasya silang magtanan. Sa kabi-lugan ng
buwan ay dahan-dahan silang nanaog at nagtungo sa tabing dagat. Sakasamaang
palad ay nakasalubong nila ang alkalde na nagpapahangin sa may dalampasigan.
Nahulaan ng alkalde na magtatanan ang dalawa. Sa galit ay
naging marahas ito sa binata hanggang mapatay ito.
Nabigla rin ang alkalde sa bilis ng pangyayari. Tumakas ito
at iniwan ang anak na umiiyak habang kalong si Agustin. Sa sama ng loob ay
nagdilim ang isip ni Bina. Nagpakamatay siya sa tabi ng lalaking minamahal.
Kinabukasan ay natagpuan ng mga tagaroon ang dalawang
bangkay sa mismong lugar na binangunan noon ni Agustin. Doon na rin nila
inilibing ang dalawa. Magmula noon, ang pook na iyon ay tinawag na Binangonan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento