Ang Lobo at ang
Kambing
Gutum na gutom na ang Lobo. Sa paghahanap ng hayop na
mapapananghalian ay napatingala siya nang matanawan sa mataas na batuhan ang
nanginginaing Kambing. Inisip ng Lobo kung paano niya mapapababa ang
bibiktimahin.
“Kaibigang Kambing! Kaibigang Kambing! Napakaganda mo lalo’t
tinatamaan ng sikat ng araw ang balahibo mo.”
“Talaga? Salamat.” Sandaling yumuko lang ang Kambing na
nagpatuloy sa panginginain.
“Kaibigang Kambing! Kaibigang Kambing! Nag-aalala ako sa
kapakanan mo. Baka madulas ka sa gilid ng batong tinutuntungan mo!”
“Kaya ko ito. Salamat sa pag-aalala mo,” nagpatuloy sa
panginginain at di man lamang tumingin ang sumibangot na Kambing.
“Kaibigang Kambing! Kaibigang Kambing! Di ka dapat sobrang
magkakain. Ang anumang sobrang pagkain ay makasasama sa kalusugan natin.”
Sa pakikialam ng makulit na Lobo ay galit na galit na
umingos ang Kambing na nagpatuloy sa masarap na panginginain.
Nang inaakalang ayaw ng Kambing sa mga pananalitang
naglalambing ay malakas na tinawag ito ng naglalaway na sa gutom na Lobo.
“Hoy, Kambing. Bakit nagtitiis ka sa kaunting damo sa
ituktok ng batuhan. Bumaba ka at napakaraming damo kang makakain para sa iyong
pananghalian!”
“Hoy, Lobo,” galit na sigaw ng Kambing. “huwag mong akalaing
napakabobo ko. Alam kong pananghalian mo at hindi pananghalian ko ang puntirya
mo kaya pinabababa mo ako.”
Sa pagkapahiya ng Lobo ay lumayo na ito.
Aral: Di lahat ng
pag-aalala ay may katapatang kasama.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento