Sugong Kalapati
Katatapos pa lamang naming maglaro ng basketball noong
Biyernes na yaon. Si Karl at Bobby ay kasama kong nakaupo sa harap ng tindahan
ng sarisari ni Mang Lucio at umiinom ng pepsi habang nagpapahinga.
Matamang nag-uusap kami tungkol sa aming malapit nang
pagtatapos sa paaralan nang buhat sa madilim na karsada ay may nakita akong
lumalakad na isang matandang lalaki. Pinagmasdan ko siya habang papalapit siya
sa kinaroroonan namin. Matangkad siya, mahaba ang buhok, may balbas at
nakasandalyas.
Tumigil siya sa pinto ng tindahan at nang makitang may mga
tindang mga figurine sa isang eskaparate, siya’y pumasok. Binili niya ang isang
figurine ng kalapating puti. Nang binabayaran niya ito kay Mang Lucio, sumulyap
siya sa akin at ngumiti. Ako naman na halos namamalikmata rin sa pagtitig sa
kanya ay napangiti rin.
Nang lumalabas na siya sa tindahan, hindi ko napigil na
magtanong, “Ginagabi kayo, Tatang, Saan ba kayo pupunta?”
Tiningnan niya ako at ang sabi, “May pagbibigyan lang ako ng
kalapating ito.”
Nang makaalis na ang matanda, tinanong ko sa mga kaibigan ko
kung nakita nila ang mukha nitong tila kay bait-bait. Wala naman daw silang
napansin di-karaniwan.
Kinabukasan, sapagkat Sabado at walang pasok, tanghali na
akong nag-almusal. Biglang may narinig akong kumakatok sa aming pintuan.
Nagulat ako nang makita ko si Tatang pagkabukas ko ng pinto.
Pinatuloy ko siya sa kusina at inalok na kumain. Pinagbigyan naman niya ako,
naupo sa harap ko, at kumain.
“Naibigay na po ba ninyo ang inyong figurine na binili
ninyo?” tanong ko sa kanya.
Tiningnan niya ako, “John, bakit ka nawalan ng tiwala sa
Diyos?”
Nagulat ako sa sagot niyang malayo sa tanong ko. Nanginginig
ang tinig kong nagtanong, “Sino po kayo at alam ninyo ang aking pangalan?” Wala
na akong nasabi pa at para akong nanghina at nangamba.
“Psychic ako. Nababasa ko ang mga nangyayari sa buhay ng tao
kapag tumitingin ako sa mga mata nito. Bakit mo tinalikuran ang Diyos?”
Pinilit kong sumagot. “Kung mabait po ang Diyos, bakit
namatay sa sakuna ang dalawang pinakamamahal ko sa buhay?”
Tumayo si Tatang. “Anak ko, kapag tapos na ang misyon ng
isang tao sa mundo, siya’y pinaakyat na sa langit.”
Inihatid ko si Tatang sa sasakyan, may pupuntahan daw siya
sa kabilang bayan. Bago siya sumakay sa bus, dinukot niya sa bulsa ang
kalapating figurine at iniabot sa akin.
Sa pagbabalik ko sa bahay, inilagay ko ang puting kalapati
sa mesa. Umakyat ako sa silid para magbihis. Inisip ko na isasama ko sa
aparador ng mga figurine ang kalapating bigay ni Tatang. “Sino nga kaya si
Tatang?” Hanggang sa sandaling iyon tila naghihinala pa ako na may
kababalaghang nababalot sa katauhan niya.
Pagbaba ko uli wala ang kalapati sa mesang pinaglagyan ko.
Hinanap ko ito sa lahat ng dako na sisikdo-sikdo ang dibdib. “Tila nga mahiwaga
ang nangyayari,” nasabi ko sa sarili.
Napatingin ako sa labas ng bintana at sa sampayan doon,
nakita ko ang isang buhay na puting kalapati. “Diyos ko, patawarin po ninyo
ako, Diyos ko. Mahal ko po kayo.”
Ngayong ako’y naririto sa seminaryo, may mga ilan na ring
taong napangangaralan ako, mga taong nawawalan ng tiwala sa Diyos. Tao’s-puso
ang pagtulong ko sa kanila dahil katulad din nila ako noon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento