Alamat ng Tandang
Si Sidapa na Bathala ng Digmaan ay lagi nang nilalapitan ng
mga datu upang mapanatili ang kapayapaan sa kanilang barangay. Alam ni Sidapa
na nasa pakikipagkaibigan ng mga pinuno ang susi upang hindi matuloy ang
alinmang digmaan.
Sumisikat pa lang ang araw ay nakapila na ang maraming puno
ng barangay. Si Sidapa ang nagpapayo upang mapanatili ang kapayapaan sa
kani-kanilang lugar.
May mga pagkakataong hindi kaagad nakakasangguni ang mga
datu. Nagkakalaban ang mga puno. Kapag nangyari ito, nauuwi sa digmaan ang mga
barangay.
Matutulis na sibat ang karaniwang panlaban ng mga
mandirigma. Kapag may nasusugatan o namamatay sa labanan, lubos na nalulungkot
si Sidapa.
Kapag napagkakasundo ni Sidapa ang nagkakahidwaang mga raha
ay natutuwa siya. Naliligayahan siyang nagbibigayan at may respeto sa isa't isa
ang bawat datu. Naniniwala si Sidapa na kapag may digmaan ay walang
pag-iibigan. Na kapag may pag-iibigan ay walang digmaan. Lagi niyang pangarap
na nag-uusap-usap ang lahat at naggagalangan.
Sa dami ng mga mamamayan, datu at mga barangay sa
bayan-bayan, at sa dami rin ng problema na inihahain kay Sidapa, kailangang may
nagpapaalala sa kanya sa tuwi-tuwina. Kailangan ding may gigising sa kanya
tuwing madaling araw bilang hudyat na may mga datu nang naghahain ng problema.
Isa sa mga sundalo ni Sidapa ang nagprisintang orasan niya.
Obligasyon niyang paalalahanan si Sidapa na oras na ng pagkain, o oras nang
tapusin ang isang pulong, o oras nang humarap sa ilang bisita, o oras nang
magbigay desisyon sa isang problema. Pinakamahirap na Gawain ng Sundalong
Orasan ang paggising nang napakaaga tuwing madaling araw. Noong unang mga lingo
ay laging napakaaga niyang gumising pero kapag napapakuwento siya sa mga kapwa
sundalo ay bahagya siyang nahuhuli sa paggising kay Sidapa.
Mapagpasensya ang bathala niya. Lagi itong pinagbibigyan ang
Sundalong Orasan. Upang ganahan sa trabaho ay dinadagdagan ni Sidapa ang mga
insentibo nitong pilak, damit at pagkain para sa pamilya.
Tuwang-tuwa naman ang Sundalong Orasan pero mahina itong
manindigan. Sa kaunting aya ng mga kaibigan ay natatangay siya upang uminom ng
alak. Hindi lamang isa o dalawang kopita, kunidi maraming alak na nagpapalasing
sa kanya.
Sa pagkalasing ay naibalita pa niya sa ilang kawal ng
naglalabang tribo ang mga sikretong pandigmaang di dapat na ipaalam. Galit na
galit si Sidapa. Maraming hindi pagkakaunawaan ang naganap dahil hindi siya
ginising ng Sundalong Orasan sa madaling araw.
Nang matuloy ang isang madugong digmaan ng dalawang malaking
barangay ay ipinatawag ni Sidapa ang Sundalong Orasan.
Lasing na lasing ang Sundalong Orasan nang humarap sa
kanyang bathala.
"Ikaw ang dahilan sa madugong digmaang sana ay
naiwasan."
"Pa...patawad po, Bathalang Sidapa."
"Pinagbibigyan na kita ng ulang ulit! Marami ang
namatay dahil sa iyong kapabayaan. Wala kang utang na loob. Ang mga lihim
pandirigmaan at pangkapayapaan ay ipinaalam mo sa lahat. Ang obligasyon mong
gisingin ako sa madaling araw ay hindi mo pinahahalagahan. Bilang parusa ,
magiging isang hayop kang walang gagawin kundi gisingin ang daigdig tuwing
nagmamadaling araw!"
Sa isang kisapmata ang Sundalong Orasan ay lumiit nang
lumiit. Nagkabalahibo ito sa buong katawan. Naging pakpak ang mga kamay at
nagkatahid ang mga paa. Sa halip na magsalita ay tumilaok itong parang
nanggigising.
Sa sobrang kahihiyan, lumipad papalabas ng tahanan ni Sidapa
ang Sundalong Orasan na magmula noon ay tinatawag na Tandang. Ang Tandang na
tumitilaok sa madaling araw ang nagpapaalalang siya ang unang tagagising ng
sandaigdigan.
Ito ang pinagmulan ng alamat ng Tandang.
Matapos malaman kung Ano Ang Alamat? Talagang enjoyed reading this Alamat ng Tandang.
TumugonBurahin