Alamat ng Bulkan Pinatubo
Masagana ang Kahariang Masinlok. Magandang maganda noon ang
umaga. Maningning ang sikat ng araw .Sariwa ang hanging amihan. Lunti ang mga
halaman sapaligid. Masigla ang awit ng mga ibon. Bughaw ang kabundukan. Subalit
ang kagandahan ng umaga ay hindi nakasiya sa Datu.Wala siyang madamang
kaligayahan sa lahat ng namamalas.
Malungkot na nakapanungaw ang Datu.Nakatuon ang ma paningin
sa sa bughaw na kabundukan. Nakakunot ang noo at tikom ang mga labi.
Nagbuntong-hininga nang malalim.
"Malungkot na naman kayo, mahal na Datu," narinig
niya sa may likuran. Bumaling ang Datu. Nagtanong ang mga mata ni Tandang
Limay. Isa ito sa bumubuo sa "Konseho ng Matanda."
"Ikaw pala. Nalulungkot nga ako, Tandang Limay.
Naalaala ko ang aking kabataan," at nagbuntung-hininga muli. Humawak siya
sa palababahan ng bintana.
"Nakita mo ba ang bundok na iyon?" nagtaas ng
paningin ang Datu.
"Oo, aking Datu, ngunit ano ang kinalaman niyon sa
inyong kalungkutan?" tanong ni Tandang Limay. Napag-usapan na ng
"Matatanda" ang napapansin nilang pagkamalungkutin ng Datu. Siya nga
ang naatasang magsiyasat tungkol dito.
"Doon ako sa mga bundok na iyon laging nangangaso.
Natatandaan mo marahil na malimit akong mag-uwi ng baboy-ramo at usa sa aking
ama at mahal ko sa buhay."
"Opo, Kayo mahal na Datu ang kinikilalang
pinakamagaling sa pana noon. Napabantog sa ibang kaharian ang inyong katangian
sa pangangaso," sang-ayon ni Tandang Limay.
"Iyan ang suliranin ko ngayon. Para bang gusting-gusto
kong magawa uli ang mga bagay na iyon, ngunit napakatanda ko na upang
pagbalikan ang kabundukang iyon. Napakalayo na ang mga pook na iyon para sa
mahina kong katawan," at muling nagbuntung-hininga ang Datu.
"Hindi na nga ninyo makakayanan ang maglakbay nang
malayo. Ngunit maaari naman kayong magkaroon ng ibang libangan," pasimula
ni Tandang Limay.
"Bahagi na ng aking buhay ang pangangaso. Hindi na rin
ako makadarama ng kasiyahan kung iba ang aking magiging aliwan," malungkot
na umiling ang Datu.
Naging usap-usapan sa buong kaharian ang suliranin ng Datu.
Nabalita rin sa ilang bayan ang pagkamalungkutin ng pinuno ng Masinlok.
Makalipas ang ilang araw, dumating sa palasyo ang isang
salamangkero. Matanda na siya at mabalasik ang mukha. Malaki ang paghahangad
niya sa kamay ni Prinsesa Alindaya, prinsesa ng Masinlok ngunit malaki rin ang
pag-ayaw nito sa kanya.
Nagbigay ng kaukulang paggalang ang panauhin.
May magandang panukala ako tungkol sa inyong suliranin kung
inyong mamarapatin, mahal na Datu," saad ng salamangkero.
"Sabihin mo at handa akong magbayad sa inyong
kapaguran," turing ng Datu.
"Magpapatubo ako ng isang bundok sa kapatagan ng
Masinlok na malapit sa inyong palasyo para sa inyong pangangaso ipakasal lamang
ninyo sa akin si Prinsesa Alindaya," pahayag ng panauhin.
"Kung matutupad mo ang iyong sinabi ay ibibigay ko sa
iyo ang kamay ng aking anak," mabilis na pasiya ng Datu.
Madaling kumuha ng isang maliit na batumbuhay ang
salamangkero. Ito'y parang isang batong mutya. Itinanim niya itong tila isang
binhin ng halaman. Biglang-biglang sumipot sa pinagtamnan ang isang maliit na
puno. Tumaas nang tumaas iyon. Lumaki nang lumaki hanggang sa maging isang
bundok.
"Aba, anong laking bundok! Di ba iyan tumubo sa
itinanim na batong mutya ng salamangkero?" paksa ng usapan ng mga tao.
Samantala sa palasyo, iniluhang gayon na lamang ni Prinsesa
Alindaya ang naging pasiya ng ama. Ipinagdamdam niya nang labis na tila siya ay
kalakal na ipinagpalit lamang sa isang bundok. At sa lalaki pa naming kanyang
kinamumuhian. Laging lumuluha ang magandang prinsesa. Nagkaroon siya ng
karamdaman. Naging malubha ang kanyang sakit. Dumating ang araw na itinakda ng
Datu sa pagkuha sa kanya ng salamangkero.
"Ikinalulungkot ko na hindi ko mapasasama sa iyo ang
aking anak. May sakit ang mahal na prinsesa. Magbalik ka sa ibang araw,"
saad ng Datu sa salamangkero.
Umuwing masamang-masama ang loob ng matanda. Galit nag alit
siya sa Datu. Sinapantaha niyang gusto na nitong sumira sa usapan. Nagulong
gayon na lamang ang kanyang loob. Lagi niyang naiisip si Prinsesa Alindaya at
ang kanyang kabiguan. Hindi niya napansing palaki nang palaki ang bundok. Ito'y
kanyang nakaligtaan.
"Mahal na Datu, halos natatakpan na po ng bundok ang
buong kapatagan. Malapit na pong humangga ang bundok sa tabing-dagat. Wala na
pong matitirhan ang mga tao," sumbong ng matatanda sa Datu.
"Hulihin ngayon din ang salamangkero. Putulan siya ng
ulo. Lubhang nakapipinsala sa kaharian ang bundok na pinatubo niya,"
mabalasik na utos ng hari. Natakot siya sa maaring mangyari sa kaharian.
Namatay ang salamangkero ngunit patuloy pa rin sa paglaki
ang bundok. Araw-araw ay pataas ito nang pataas na lalong ikinabahala ng mga
tao. Walang maisipang gawin ang Datu. Palubha nang palubha ang suliranin.
Nakaabot ang balita hanggang sa malalayong kaharian.
Nakarating iyon sa pandinig ni Prinsipe Malakas ng Pangasinan. Balita siya sa
taglay na lakas at kabutihang loob. Agad siyang naglakbay patungong Masinlok.
Humarap sa Datu ang matikas na prinsipe.
"Nakalaan sa inyo ang aking paglilikod, mahal na
Datu," magalang na badya niya.
"Nakalaan akong magbigay ng kaukulang gantimpala.
Humiling ka kahit anong bagay kapag nagtagumpay ka. Lunasan mo ang suliranin ng
kaharian, Prinsipe ng Pangasinan," pahayag ng Datu.
"Wala po akong hinihintay na gantimpala, aking Datu.
Tayo na sa labas."
Si Alindaya na noo'y magaling na ay naganyak sa tinig ng
panauhin. Sumilip siya sa siwang ng pintuan. Malakas na malakas ang pitlag ng
puso ng dalaga.
Nanaog ang Datu pati ang prinsipe. Madali nilang sinapit ang
paanan ng bundok.
Sa isang kisapmata, binunot ng prinsipe ang bundok. Parang
pagbunot lamang ng isang maliit na punong-kahoy. At sa isang iglap din,
ipinatong niya iyon sa kanyang likod na walang iniwan sa pagbalikat ng
tinudlang baboy-ramo. Mabilis din siyang humakbang na papalayo at ihinagis ang
bundok sa lugal na kinaroroonan nito ngayon.
Bumalik ang prinsipe at ang Datu sa palasyo sa gitna ng
pagbubunying mga tao. Galak na galak ang kaharian. Pagdating sa palasyo,
niyakap ng Datu ang prinsipe. Iniutos niya ang malaking pagdiriwang para sa karangalan
ng prinsipe noon ding gabing iyon.
Gabi ng kasiyahan, nagsasayaw noon ang prinsesa pagkat
nahilingan ng amang Datu. Walang alis ang tingin ng prinsipe sa magandang
mananayaw. Nabatubalani siya ng magandang prinsesa. Walang humpay ang palakpak
ng prinsipe matapos ang pagsasayaw nito.
Kiming umupo ang prinsesa sa tabi ng Datu. Siya'y tahimik na
nakatungo.
"Ang aking anak, si Prinsesa Alindaya, mahal na
prinsipe, nakangiting pagpapakilala ng Datu. Yumukod ang prinsipe at ang
prinsesa nama'y nag-ukol ng matamis na ngiti.
Walang alis ang paningin ni Prinsipe Malakas sa dalaga.
Hindi matagalan ng prinsesa ang kabigha-bighaning titig ng prinsipe.
"May sasabihin ka, Prinsipe Malakas?" tanong ng
hari upang basagin ang katahimikan.
"Hinihingi ko ang inyong pahintulot na makausap ko ang
mahal na prinsesa, mahal na Datu," ang hiling ng prinsipe.
"Higit pa sa riyan ang maibibigay ko," sang-ayon
ng Datu.
Hindi nagtagal at nasaksihan sa Masinlok ang marangyang
kasal nina Prinsesa Alindaya at Prinsipe ng Pangasinan. Nagsaya ang kaharian sa
loob ng anim na araw.
Samantala, ang guwang na nilikha ng pagkabunot sa bundok ay
napuno ng tubig ito'y naging isang lawa.
Naging maganda at matulain ang lawang ito na tinawag ng mga
tao na "Lawa ni Alindaya" sapagkat nagpapagunita ng kagandahan ng
prinsesa at ng pag-ibig niyang siyang dahilan ng pagkakaron ng Bundok na
Pinatubo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento