Ang Musikerong
Mangingisda
Isang musikerong mangingisda ang hinahangaan ng marami sa
husay niyang tumugtog ng plawta. Kapag namamahinga ay maririnig mo ang kaniyang
musika. Napapaindak ang mga dalaga kapag balitaw na ang tinutugtog niya.
Napapakanta naman ang mga binata kapag nangungundiman siya. Para sa mga
nakakatanda, gusto nilang sa halip na paghusayan niya ang pagtugtog sa plawta
ay pagbutithin sana niya ang pangingisdang bubusog sa pamilya.
Tuwing pupunta sa dagat, laging dala-dala ng mangingisda ang
lambat niya. Sapagkat konting-konti lamang ang mga isdang nahuhuli, lungkut na
lungkot siyang sapat lamang na pang-ulam ang handog sa kaniya ng karagatan.
“Hindi ko matututuhan ang galaw ng karagatan. Sa tinagal-tagal
na pangingisda ko lagi at laging sapat lang ang huli ko.” paliwanag ng
mangingisda sa mga anak.
“Bakit si Mang Teban at Mang Kiko po laging maraming
nahuhuli. May pusit na, may tulingan pa. Nakakahuli rin po sila ng bisugo at
hasa-hasang pinagkakaguluhan ng mga suki nila sa bayan.”
“Si Mang Teban at Mang Kiko ay sanay nang mangisda sa
karagatan. Sa umaga, tanghali o gabi man ay alam na alam na nila kung aling
bahagi ng dagat ang dapat pangisdaan. Isang sining din ang pangingisda na dapat
na matutuhan. Kailangang alam mo kung saan mo ibababa ang lambat at kung kailan
mo itataas upang huli ay masukat.”
Hindi gaanong naunawaan ng mga bata ang paliwanag ng ama.
Hindi nila gaanong masakyan ang sining na sinasabi ng mangingisda. Ang alam
lang nila ay sapat lang na huli ang laging uwi ng ama nila. Pangarap nilang
sana ay matulad ang ama nila kina Mang Teban at Mang Kiko na maraming huling
kayamanan mula sa kalikasan.
Nag-isip nang malalim ang mangingisda. Nang umagang iyon ay
naghanda siyang pumalaot sa karagatan. Inisip niyang bukod sa lambat ay dalhin
din niya ang plawtang iniingatan.
“Hindi ako mahusay mangisda pero baka makatulong ang
pagiging musikero ko sa pagpaparami ng huli ko.”
Sa gitna ng dagat ay ibinaba ng mangingisda ang lambat. Sa ilang
minutong paghihintay ay iniangat niya ang panghuli subalit ang huli niya ay
iilan lamang. Baba na naman. Angat. Baba uli. Angat. Mabibilang mo sa daliri
ang huli. Nanlumo ang mangingisda.
“Malas!” bulong nito.
Naisip ng mangingisdang kunin ang plawta at tumugtog. Inisip
niyang ang husay niya sa pagtugtog ay maaaring makatawag sa mga isda upang
magsilapit.
Sa pagbababa at pag-aangat ng lambat ay wala siyang nahuli
isa mang isda. Natugtog na niya ang pinakamalulungkot at pinakamasasayang
musika ay wala ring pagbabago ang pangingisda.
Nag-isip nang malalim ang pobreng mangingisda. Pumunta siya
sa hilaga, nagbaba at nag-angat ng lambat. May mangilan-ngilang huli siya.
Pumunta siya sa timog, wala isa mang huli siya. Pero nang magpunta siya sa
kanluran at inangat niya ang lambat ay marami siyang handog na tinanggap mula
sa kalikasan. Pinag-aralan niyang mabuti kung paano ihulog ang lambat.
Pinag-aralan din niya kung paano ito hatakin. Sinuri niya kung saan ihuhulog
ang lambat at kung gaano katagal ang ipaghihintay niya.
ang umuwi ng gabing iyon ay punung-puno ng isda ang bangkang
ipinalaot ng mangingisda.
Hindi lamang bisugo, pusit, hasa-hasa at tulingan ang huli
niya. May ipagmamalaki rin siyang malalaking tamban na tiyak na pagkakaguluhan
sa pamilihang bayan.
Tama ang mangingisda. Ang paglusong sa tubig ay dapat na
pangatawanan at ang pangingisda ay dapat na matutuhan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento