Si Wigan at si Ma-i
Dalawang libong taon na ang nakalilipas, may alitan ang
bayan ng Banaue at Mayaoyao. Itinu-turing noon na isang karangalan ang
makapatay ng kalaban. Sa panahong ito nabuhay si Wigan, anak ng hari ng Banaue
na si Ampual.
Minsan, si Wigan ay nangaso sa kagubatan. Nang magawi siya
sa isang talon upang magpahinga, nakakita siya ng isang dalagang naliligo.
Naakit siya sa kagandahan nito ngunit napansin niyang ito ay isang dayuhan at
walang karapatang maligo sa lupain ng Banaue.
Papatayin na sana ni Wigan ang dalaga nang pigilin siya ng
isang ahas. Nakilala niya na ang ahas ay si Lumawig, ang diyos ng kalangitan.
Sa halip na ipagpatuloy ang naunang balak, sinamahan ni
Wigan ang dalaga pauwi. Nalaman niyang ang pangaian nito ay Ma-i, anak ng hari
ng Mayaoyao na si Liddum. Sa kanilang mahabang paglalakbay, nabuo ang kanilang
pag-iibigan.
Pagdating sa lupain ng Mayaoyao, agad na dinakip si Wigan.
Siya na ngayon ang dayuhan sa lupain ni Ma-i. Nakiusap si Ma-i sa kanyang ama.
Isinalaysay niya ang pangyayari.
"Maaaring pinaslang niya ako nang mahuli niya akong
naliligo sa kanyang lupain ngunit siya ay nahabag. Sa halip, sinamahan pa niya
ako pauwi nang ligtas sa anumang kapahamakan. Mahabag ka sa kanya. Ama, tulad
ng pagkahabag niya sa akin," nagmamakaawang sabi ng dalaga.
Nag-isip si Liddum. Ang kahilingan ng kanyang anak ay
taliwas sa nais ng mga mamamayan ng Mayaoyao.
"Siya ay mamamatay kung hindi niya kayang ipagtanggol
ang kanyang sarili," pahayag ng hari. "Mga mamamayan ng Mayaoyao,
piliin ninyo ang pinakamahusay nating mandirigma upang makatunggali ng binatang
mula sa Banaue. Ang magwawagi sa labanan ang siyang magiging asawa ng aking anak."
Sumang-ayon ang mga mamamayan ng Mayaoyao. Pinili nila ang
pinakamagiting nilang mandirigma upang makalaban ni Wigan. Nagsimula na ang
paghaharap ng dalawa.
Mula naman sa Banaue, dumating ang isang daang mandirigma na
naghahanap sa anak ng kanilang hari. Nakita nila si Wigan na nakikipaglaban.
Humanda silang maipaghiganti ito kung sakaling magagapi ito.
Sa kabutihang palad, nanalo si Wigan at naiwasan ang sana'y
madugong pagtutuos ng mga maiidirigma ng Banaue at Mayaoyao.
Isang canao (handaan) ang sumunod. Si Ma-i ang namuno sa
sayaw ng kasalan. Tuluy-tuloy ang pagtunog ng gansa. Umabot ang kasayahan sa
loob ng siyam na araw.
Sina Wigan at Ma-i, kasama ang mga mandirigma ng Banaue, ay
naglakbay pabalik sa Banaue. Habang naglalakbay, naisip ni Wigan ang kanyang
ama. Matanda na ito at marahil ay naghihintay na rin itong magkaapo. Ngunit
nag-asawa siya nang walang pahintulot ng ama. Sasang-ayon kaya ito sa kanyang
ginawa?
Sa hagdan-hagdang palayan nagtagpo sina Wigan at Ampual.
Hinanda na ng binata ang kanyang sarili.
"Sa simula ng paggawa ng ikawalong baitang ng palayan,
iyon ang magiging taon ng aking pag-aasawa. Ama, narito na si Ma-i, anak ng
hari ng Mayaoyao. Ang kanyang amang si Liddum at mga mamamayan nito ay naging
mabait sa pagtanggap sa akin."
Tiningnan ni Ampual si Ma-i. Hindi man nagsalita ay alam ni
Wigan na naunawaan siya ng ang ama. Habang naglalakad ay nag-iisip si Ampual ng
sasabihin niya sa mga nasasakupan. Masayang sumalubong naman ang lahat. Nagwika
ang hari sa mga taga-Banaue.
"Ako ay matanda na. Hindi magtatagal at makakapiling ko
na rin ang ating mga ninuno. Bago ito mangyari ay nais kong makita ang aking
anak na mag-asawa at handa nang pumalit sa akin. Narito ang dalaga mula sa
Mayaoyao. Mga dalaga ng Banaue, piliin ninyo kung sino sa inyo ang
pinakamaganda na maaari nating itapat sa pana-uhing padala ni Lumawig. Mula sa
dalawa, pipiliin namin ng aking anak kung sino ang higit na maganda. Ang
mapipili ay mapapangasawa ng aking anak, at ang hindi ay mamamatay. Bilang
gantimpala sa magwawagi, ang kanyang karanasan ay magiging alamat sa ating mga
anak."
Pumili ang mga mamamayan ng Banaue ng dalagang itatabi nila
kay Ma-i. Nang sila ay makapili, lahat ay sumang-ayon na iyon na nga ang
pinakamaganda sa mga taga-Banaue.
Nagtabi na ang dalawang dalaga. Tunay ngang di-pangkaraniwan
ang mga kagandahang nasa harap ni Wigan ngayon.
Nagtanong si Ampual.
"Ano na nga ba ang pangalan ng dayuhan?"
"Ma-i," tugon ni Wigan.
"Sumasang-ayon ka ba na si Ma-i ang higit na
maganda?" "Opo," sagot ni Wigan na nagagalak sa desisyon ng ama.
Inihayag ng hari na nagwagi si Ma-i. Nagalak ang mga tao. Sa
kasiyahang ito, nagwika si Ma-i.
"May isang kahilingan po ako, dakilang pinuno ng
Banaue. Hayaan niyong ang dalagang aking nakatapat ay manatiling buhay nang
walang kahihiyan. Ito'y upang ang kanyang karanasan ay magsilbing alamat ng
ating mga anak."
Pinagbigyan ni Ampual ang kahilingang ito ni Ma-i. Sinimulan
na ang ikawalong baitang ng hagdan-hagdang palayan at naganap muli ang kasalan
nina Ma-i at Wigan. Ito ang naging simula ng kapayapaan sa pagitan ng Banaue at
Mayaoyao na umabot hanggang sa kasalukuyan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento