Dalawang Aso
Nagkitang minsan ang asong-lunsod at asong-bukid. “Kumusta
ka, kaibigan,” bati ng asong-lunsod. “Matagal na tayong hindi nagkakausap.”
“Mabuti naman,” sagot ng asong-bukid. “Ikaw naman, mukhang alagang-alaga
ka. Kay lusog mo ngayon.”
“Oo nga. Alam mo bang saganang-sagana ako sa pagkain. Kay
daming ibinibigay sa akin ng aking among mayaman.”
“Mabuti ka pa,” sabi ng asong-bukid. “Ako nama’y hindi
gaanong marami ang nakakain. Nakakatawid-gutom lamang dahil hindi naman
nakaririwasa ang tinitirhan ko.”
“Bakit hindi ka pa sumama sa akin? Maraming pagkain doon sa
amo ko. Tiyak na tataba kang katulad ko,” alok ng asong-lunsod.
“Talaga ba? O, sige, sasama ako sa iyo at doon na rin ako
titira sa amo mo.”
Naglakad na nga ang dalawang pauwi sa tinitirhan ng
asong-lunsod. Habang nasa daan pa sila, napansin ng asong-bukid na may mga
sugat sa leeg ang kanyang kaibigan.
“Ano ang nangyari sa leeg mo,” tanong niya. “Bakit puro
sugat?”
“A, dahil iyan sa tanikalang inilalagay sa akin sa bahay.
Inalis nga lamang iyon kanina dahil nakita ng amo ko ang mga sugat. Kaya pati
ako nakapaglakad at nakita mo.”
“Ay, ganoon ba? Nilalagyan ka pala ng tanikala? Kapag
gumaling ang mga sugat, ibabalik ba sa leeg mo ang tanikala?”
“Tiyak iyon,” sabi ng asong-lunsod. “Bawal sa aming mga
kalsada ang gagala-galang aso kaya nararapat lang na itali ako sa loob ng
tarangkahan.”
“Kung gayon ay hindi na ako sasama sa iyo. Babalik na lang
ako sa aking amo sa bukid. Hindi nga niya ako pinagsasawa sa pagkain, ngunit
ako nama’y binibigyan niya ng layang makapunta kahit saan ko gusto.”
Nagpaalam siya sa kaibigan at tatakbong bumalik sa dating
tahanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento