Ang Barumbadong Gansa
Isang batang-bata subalit barumbadong Gansa ang isinama ng
kaniyang mga tiyuhin at tiyahin upang makapagsanay sa paglipad. Inilagay siya
sa hulihan upang makita ang wastong pagkampay ng mga pakpak. Itinuturo ng mga
tiyuhin at tiyahin sa batang Gansa kung bakit kailangan ang disiplina sa
paglipad. Gusto nilang matutuhan ng batang Gansa kung paano tumingin sa kaliwa
at sa kanan. Itinuturo rin nila kung paano lumipad nang mataas at mababa, nang
mabilis at mabagal.
Minsan ay nawalan ng disiplina ang batang Gansa. Sa halip na
sumunod sa mataas na paglipad ay nagpaiwan ito at nakipaglaro sa mapuputing
ulap.
Hinaltak siya ng mga tiyuhin at tiyahin at kinagalitan nang
lumapag sila sa ilug-ilugan.
“Ikaw, bata ka. Huwag na huwag kang lalayo sa iyong mga
kasama. Matuto kang sumunod sa batas ng disiplina.”
Binigyang diin ng mga tiyo at tiya na hindi pa gaanong
matibay ang mga pakpak ng batang Gansa. Ang mga payo ay winalang halaga nito.
Sa narinig na hindi pa matibay ang mga pakpak, nagrebeldeng nagpaikut-ikot sa
paglangoy ang suberbiyong Gansa at tinampi-tampisaw ang tubig bilang panunudyo.
Sa sobrang inis ng mga tiyo at tiya ay umahon sila sa ilug-ilugan at iniwang
mag-isa ang pamangkin nila.
Kinabukasan, nagpumilit na namang sumama ang batang Gansa sa
paglipad. Ayaw na sana itong isama subalit naghukay ito nang naghukay at
nagpagpag nang nagpagpag ng buhangin sa mga pakpak ng tiyuhin at tiyahin. Upang
hindi na magwala pa ay napilitan na naman nila itong isama.
Nang nasa kalawakan na sila ay napalingon sa silangan ang
batang Gansa at naakit sa napakagandang mga kulay ng bahaghari, tulad ng
nakagawian, humiwalay na naman itong muli.
Sapagkat mabilis ang paglipad ng mga tiyuhin at tiyahin,
hindi nila napansin ang pasilangang direksiyong tinungo ng pamangkin. Lingid sa
kaalaman ng batang Gansa, nakaabang pala sa dakong silangan ang isang malaking
Agila. Sa isang iglap ay dinagit ng Hari ng Kalawakan ang kaawa-awang batang
Gansa. Malayo na ang Agila nang matanawan ng mga tiyuhin at tiyahin ang dinagit
nilang pamangkin.
Aral: Magkaroon ng
tiwala sa karanasan ng mga nakatatanda.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento