Huwebes, Hunyo 29, 2017

Alamat ng Cainta

Alamat ng Cainta


Ang Cainta ay isang bayan sa lalawigan ng Rizal. Noong unang panahon, may isang babae rito na kilalang-kilala dahil sa kanyang magandang katangian. Bukod sa angkin niyang ganda, mayaman siya, mabait at mapagkawanggawa. Siya si Jacinta.

Ang pagtulong sa kapwa ay naging ugali na ni Jacinta. Bawat pulubing lumalapit ay nililimusan niya. Kadalasan ay iniimbita pa niyang kumain ang mga ito. Nakikipaglaro din siya sa mahihirap na mga bata. Anumang laruan na magustuhan ng mga ito at hindi rin lang makasasama sa mga ito ay ipinagkakaloob niya sa mga paslit. Sa pagdadalaga ay dala pa rin ni Jacinta ang mabubuting katangiang ito.

Si Jacinta ay madasalin. Tuwing araw ng linggo ay nasa simbahan siya. Pagkatapos ng misa ay namimigay siya ng regalo sa mga mahihirap. Dahil sa kabaitan ay biniyayaan siya ng Panginoon ng magandang kapalaran sa pag-ibig. Ang naging kasintahan niya ay ang kanyang kababata na isa ring mabuting tao.

Mabait at maunawain din ang kanyang nobyo. Sa kasamaang palad ay nagkasakit ang lalaki at namatay.

Mula noon ay wala nang pag-ibig na nagpatibok sa kanyang puso kaya siya tumandang dalaga. Nang mamatay ang mga magulang ay ginugol na lang ni Jacinta ang panahon sa pagtulong sa kapwa at mga nangangailangan.

Napamahal nang husto si Jacinta sa mga kanayon. Bilang paggalang ay tinawag siya ng mga ito sa pangalang Ka Inta na ang kahulugan ay "Kaligtasan" ng mga nangangailangan."

Naging kaugalian na ng mga tao na dumalaw sa kanya tuwing araw nga Pasko. Kumakatok sila sa kanyang pintuan at masaya naman silang sinasalubong ni Ka Inta.

Isang araw ng Pasko ay laking pagtataka ng mga tao na walang sumasagot sa kanilang pagkatok. Sumilip sila sa bintana. Laking gulat nila nang makitang nakahandusay si Ka Inta sa sahig at wala ng buhay. Nalungkot at nagluksa ang mga tao sa paglisan ng isang mabuting tao.

Ang kamatayan ni Ka Inta ay kumalat na parang apoy. Ipinagdasal ng mga tao ang katahimikan ng kanyang kaluluwa. Bilang paggalang sa kadakilaan ni Jacinta, ang kanilang lugar ay tinawag nilang Kainta na naging Cainta nang lumaon.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento