Alamat ng Gagamba
Si Gamba ay isang manghahabi. Siya ang pinakamahusay sa
lahat ng manghahabi sa kanilang komunidad.
Sapagkat alam niyang siya ang pinakamagaling, taas noo siya
at walang sinumang pinapansin.<
"Ate, pahiramin mo naman ako ng karayom na pamburda mo.
Pwede ba Ate?"
Galit na umangil si Gamba, "Lumayu-layo ka nga rito.
Huwag mong mahiram-hiram ang pamburda ko. Baka masira lang ito, wala kang
perang ipambayad dito. Layo!"
Napaiyak ang kapatid na babae ni Gamba. Naramdaman niyang
hindi siya itinuturing na kapatid ng ate niya. Parang langit ang taas nito,
napakahirap abutin.
Maya-maya, ang kapatid na lalaki naman ang lumapit kay
Gamba.
"Ate, Ate tulungan mo naman ako. Pakisulsi mo namn ang
napunit na kamiseta ko."
"Lumayo ka rito. Istorbo ka talaga. Doon ka sa Nanay magpasulsi.
Walang ginagawa ang matandang iyan! Sige layo ka rito. Layo!"
Narinig ng ina ang mapagmataas na tinig ng anak. Nagpupuyos
ang damdamin ng kahabag-habag na ina. Gusto sana niyang saktan si Gamba subalit
nagpigil siya.
"Sumusobra ka na Gamba. Obligasyon mong pakitaan ng
mabuting asal ang mga kapatid mo. Kung nanghihiram sila sa iyo, pahiramin mo.
Kung humihingi sila ng tulong, tulungan mo. Hindi lang kapatid mo ang dapat
pagpakitaan mo ng kagandahang-loob. Lahat ng nangangailangan ay dapat mong kalingain."
Parang walang narinig si Gamba. Patuloy itong humabi ng tela mula sa mga
sinulid na nasa ikitan niya.
Isang gabing inaaya si Gamba ng ina upang maghapunan,
pagalit itong sumigaw, "Ano ba kayo. Iniistorbo na naman ninyo ako. Di ba
ninyo nakikitang hindi pa ako tapos sa hinahabi ko?"
"Ba...baka magkasakit ka, iha, kung malilipasan ka sa
pagkain."
"Wala kayong pakialam."
"Gamba," pagpigil ng mapagmahal na ina,
"kasalanan sa Diyos ang pagtanggi mo sa pagkain."
"Ano bang kasa-kasalanan. Wala akong pakialam kung
kasalanan man un. Inuulit ko. Pabayaan ninyo ako sa ginagawa ko!"
"Patawarin ka ni Bathala," luhaang sabi ng ina.
"Sana humabi ka na lang nang humabi," inis na
hiling ng kapatid na babae ni Gamba.
"Oo nga humabi ka na lang nang humabi...humabi nang
humabi," dugtong ng kapatid niyang lalaki.
Ang hiling ng magkapatid ay dininig ni Bathala. Sa isang
makapangyarihang tinig ay narinig ng lahat ang galit Nito, Naging mapagmataas
ka sa kaunting kaalamang bigay Ko sa iyo. Di mo kinakalinga ang mga kapatid na
kailangang tulungan. Hindi mo rin binigyan ng puwang sa puso ang magulang mo!
Pati na biyaya sa hapagkainang dulot Ko ay tinatalikuran mo. Bilang parusa,
paghahabi na lang ang gagawin mo araw-araw, oras-oras, minu-minuto!"
Pagkasabi nito ay biglang nawalang parang bula si Gamba.
Isang insektong paikut-ikot na humahabi ng sapot ang naiwan sa silyang
kinauupuan ng dalaga.
Sa awa sa anak ay napahagulgol ang ina at marahang hinaplos
nitoang insekto at tinawag na Gamba...Gamba.
Magmula noon si Gamba ay tinawag nang Gagamba na araw at
gabi ay walang tigil sa paghabi hindi ng sinulid sa ikiran kundi ng sapot mula
sa kanyang katawan.
Iyan ang pinagmulan ng alamat ng Gagamba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento