Ang Leon at ang Daga
– First Version
Isang araw, natutulog ang mabagsik na leon. Isang daga ang
naparaan at siya’y naamoy ng leon kaya’t ito’y nagising. Bigla nitong hinuli
ang daga. Nagmakaawa sa leon ang daga.
“Maawa ka sa akin! Huwag mo akong kainin!
Sa liit kong ito’y hindi ka mabubusog. Pakawalan mo na ako.
Balang araw ay makagaganti rin ako sa iyo.” “Sa liit mong ‘yan, paano ka
makatutulong sa akin?” sagot na patanong ni Leon.
“Hindi ko alam. Pero nasisiguro ko, makakatulong ako sa
iyo,” sagot ni Daga.
“Magpasalamat ka at kakakain ko lang. Sige, makaaalis ka
na,” sabi ni Leon.
“Maraming salamat,” sabi ni Daga na nagmamadaling umalis.
Minsan, habang naglalakad sa gubat si Leon, hindi niya
napansin ang isang bitag. Nakita na lamang niya ang sarili sa loob ng isang
lambat.
“Tulungan ninyo ako!” sigaw ni Leon.
Nakita ni Usa ang nangyari kay Leon. Lumapit ito. “Tulungan
mo ako, kaibigan,” pakiusap ni Leon kay Usa.
“Pakakawalan kita, pagkatapos ay kakainin mo rin ako.
Ayoko!” sagot ni Usa sabay alis.
Hindi malaman ni Leon ang gagawin. Paikut-ikot siya,
nagpipilit na makawala. Isang unggoy ang naparaan.
“Kaibigan, maawa ka na. Pakawalan mo ako,” ang sambit ni
Leon kay Unggoy.
“Ano? Pakakawalan kita? Kahapon lang ay hinabol mo ako para
kainin. Tapos ngayon, tutulungan kita? Hindi, ayoko!” sagot ni Unggoy. At
nagpatuloy ito sa paglakad.
Siya namang pagdating ni Daga.
“Tutulungan kita, kaibigan,” ang sabi ni Daga kay Leon.
“Paano mo ako tutulungan? Napakaliit mo,” pagalit na sagot ni Leon.
Hindi na sumagot ang daga. Sinimulan niyang ngatngatin ang
lambat hanggang sa makagawa siya ng butas na daraanan ni Leon.
Sa wakas, nakalabas din si Leon. Anong tuwa niya!
“Maliit ka nga pero malaki ang nagawa mo. Salamat, kaibigan.
Makagaganti rin ako sa iyo,” sabi ni Leon.
“Huwag mo nang alalahanin ‘yon. May utang na loob din naman
ako sa iyo,” sagot ni Daga.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento