Ang Taong Di-Marunong
Magpatawad
Isang hari ang nagpasyang alamin ang pagkakautang sa kanya
ng kanyang mga alagad. Nagsisimula pa lamang siya nang biglang iharap sa kanya
ang isa sa kanyang mga alagad dahil sa milyung-milyong dolyar na utang nito sa
hari. Ang alagad ay walang maibayad sa napakalaking pagkakautang nito, kaya
ipinag-utos ng hari na ipagbili ito bilang alipin kasama ang kanyang asawa at
mga anak. Gayundin, ang lahat ng kanyang ari- arian ay iniutos na kunin upang
maidagdag sa bayad sa hari.
Lumuhod at nagmakaawa sa hari ang lalaki.
"Bigyan ninyo po ako ng panahon at babayaran ko
kayo," pagsusumamo nito sa hari. Naawa naman sa kanya ang hari kaya't siya
ay pinatawad sa kanyang pagkakautang.
Nang lumabas ang lalaki upang umuwi na ay nasalubong niya
ang isang kapwa alagad na may utang sa kanyang ilang dolyar. Agad niya itong hinawakan
at sinimulang sakalin.
Lumuhod ang kanyang kapwa alagad at nagmakaawa sa kanya.
"Bigyan mo ako ng panahon at babayaran kita," pagmamakaawa nito.
Ngunit hindi niya ito pinatawad at sa halip ay kanyang
ipinakulong. Nagalit ang ibang alagad ng hari nang mabatid nila ang pangyayari.
Ipinaalam nila sa hari ang ginawa ng lalaki sa kanyang kapwa alagad na may
utang sa kanya.
Ang lalaki ay ipinatawag ng hari.
"Ikaw ay isang walang kwentang alipin! Pinatawad kita
sa lahat ng iyong pagkakautang dahil nagmakaawa ka sa akin. Dapat ay naawa ka
rin sa iyong kapwa alagad tulad ng pagkaawa ko sa iyo," wika ng hari.
Dahil sa galit, ipinabilanggo ng hari ang lalaki hanggang sa
mabayaran nito ang kanyang pagkakautang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento