Alamat ng Pakwan
Humigit-kumulang sa tatlong daan taong namalagi sa Pilipinas
ang mga Kastila. Layunin ng Espanyang sakupin ang mga katutubo. Naging
kasangkapan ng mga Espanyol ang Katolisismo upang lalong mapadali nila ang
pamamalakad dito. Bagamat sa Limasawa, Leyte nagdaos ng unang misa, may isang
paring Kastilang nagngangalang Padre Novelles ang nakarating sa lalawigan ng
Nueva Ecija.
Sinikap niyang kumbinsihin ang mga katutubo upang maging
Katoliko. Upang magawa ito, pinag-aralan niyang makapagsalita ng kanilang wika.
Madali naman siyang natuto. Sapagkat matagal na ring sumasamba sa mga anito ang
mga katutubo, hirap na hirap si Padre Novelles na manghikayat.
Lalong pinagsikapan ng paring Kastila ang pagtuturo ng buhay
at mga aral ni HesuKristo. Binigyang diin niya ang pagpapasakit ng Anak ng
Diyos. Isinalaysay niya ang pagkapasan sa krus upang iligtas lamang ni Hesus
ang mga makasalanang tao sa daigdig.
Sapagkat misyunero, marami ang naliwanagan sa katotohanan.
Pero kahit marami ang sumunod sa itinuturo ng paring Espanyol ay may isang barangay
na bulag pa ring sumasamba sa mga anito. Ito ang barangay na pinamumunuan ni
Datu Diliwariw. Ayaw ng Datung paniwalaan ang mga aral na itinuturo sa
Katolisismo. Sa labis na pagkagalit ipinadakip mismo ng datu sa mga nasasakupan
ang misyunerong nangangaral.
Sapagkat batay sa turo ng Katolisismo ay nagpasan ng krus at
ipinako sa kabundukan si HesuKristo. Ito rin ang parusang ipinataw ng di
binyagang datu sa paring Katoliko.
Awang-awa ang maraming katutubo sa pagpapasan sa krus si
Padre Novelles. Ang maalikabok at baku-bakong lansangan ng Nueva Ecija ay
kangyang dinaanan. Sa bundok ng mga anito na ngayon ay kilala bilang bundok ng
Caraballo itinindig ang krus. Habang nagbabaga ang araw ay isinakripisyo ng
misyunero ang abang buhay. Katulad ni Kristo, isang matulis na sibat ang
tumapos sa hininga ng paring Katoliko. Ang sariwang dugo sa dibdib nito ay
mayamang umagos sa lupang pinagtindigan ng krus.
Matapos ipapatay ay hindi mapalagay si Datu Diliwariw.
Naalala niya ang itinuturo ng misyunero na si Hesus daw ay muling nabuhay
pagkalipas ng tatlong araw.
Upang makatiyak, isinama ng datu ang pinakamatapat na kawal
nang dumating ang ikatlong gabi. Ginimbal sila ng katotohanan, ang bangkay na
kanilang iniwan ay nawala sa kanyang kinapapakuan. Napaluhod ang datu kasama ng
kawal. Inalala nila ang mga aral na itinuro ng misyunero tungkol kay Kristo.
Taos puso silang humingi ng tawad. Sa kanilang pagyuko at pagluha ay may
napansin silang munting halaman sa lupang dinilig ng dugo ng kabanalan. Ang
nasabing halaman ay nagbunga ng animo makinis na ulo ng paring misyunero na
kapag biniyak mo ay may lamang tila mapulang dugo ng kabanalan, matamis at
nakaaalis ng uhaw. Magmula noon, ang nagging Katolikong datu ay lagi nagng
dumadalaw sa pinagpakuang kabundukan. Ang panata niyang iyon ay kalakip ng
pagtanggap ng kaparusahan sa malaking kasalanang nagawa niya sa paring
ipinapatay.
Sapagkat tumubo ang kakaibang halaman ay tinawag ang bunga
nito na pinagpakuan na nauwi sa pakuan na ngayon ay naging pakwan. Iyan ang
pinanggalingan ng alamat ng pakwan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento