Ang Manok at ang Uwak
Alam ba ninyo kung bakit ang manok ay lagi nang nagkukutkot
sa lupa? Alam din ba ninyo kung bakit kapag may lumilipad na uwak sa itaas ay
takut na takot ang inahing tatawagin sa ilalim ng pakpak niya ang mga sisiw?
Ganito ang pangyayari.
Noong araw, magkaibigang matalik ang manok at ang uwak.
Madalas dumalaw ang uwak kay inahin at makipaglaro sa mga sisiw nito.
Isang araw, sa paglalaro nila, napansin ng manok na may
magarang singsing ang ibon. “Uy, pahiram naman ng singsing mo. Ang
ganda-ganda!” sabi niya sa uwak.
“Sige, iiwan ko muna ito sa iyo. Bukas ko na lang kukunin
uli,” sagot ng uwak na mabilis na lumipad uli.
Naglalakad ang inahin at tuwang-tuwa na ipinakikita sa ibang
hayop ang singsing niya nang lumapit ang isang tandang. “Bakit mo suot iyang di
sa iyo? Iyang uwak ay hindi manok na tulad natin, kaya hindi ka dapat
makipagkaibigan diyan. Itapon mo ang singsing!”
Sa kapipilit ng tandang, itinapon ng inahin ang singsing.
Kinabukasan, napansin agad ng uwak na di niya suot ito. “Nasaan ang singsing
ko?” tanong ng ibon.
“Ewan ko,” takot na sagot ng manok. “Naglalakad lang ako ay
bigla na lang nawala sa mga kuko ko. Luwag kasi.”
Nahalata ng uwak na nagsisinungaling ang manok dahil
nanginginig ito. “Alam ko, itinapon mo siguro dahil ayaw mo na sa akin. Hanapin
mo iyon at ibigay mo uli sa akin. Hanggang hindi mo naisasauli ang singsing,
kukuha ako ng makikita kong sisiw mo at ililipad ko sa malayo.”
Buhat na nga noon, tuluy-tuloy ang pagkutkot ng manok sa
lupa para hanapin ang itinapong singsing. Pati ibang mga manok, sa pakikisama
sa kanya, ay naghahanap din. Kapag may lumilipad na uwak sa itaas, mahigpit ang
tawag ng inahin sa mga sisiw at tinatakluban agad ng mga pakpak dahil baka
danggitin ng uwak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento