Ang Mayabang na
Pulang Tandang
Minsan may isang napakayabang na pulang Tandang na
tinitingala at kinatatakutan sa isang komunidad. Pinakamalaki at pinakamataba
siya sa lahat ng manok na naroroon.
Lagi at laging kinatatakutan ito sapagkat mapalapit lang
dito ang alinmang manok ay ginigirian na nito at hinahabol ng tuka. Kapag
lumalapit na ito ay nagkakaripasan ng takbo ang ibang matatakuting tandang,
inahin at mga sisiw.
Walang makatatalo sa Tandang na ito. Pinakamagarbo itong
tumindig, pinakamalakas tumilaok, pinakamabilis tumakbo at pinakamataas
lumipad. Walang ibang tandang na naglakas loob na lumaban dito.
Lagi at laging nanginginig ang tumbong nila iniisip pa
lamang nilang hamunin ito. Lagi nitong pinaiiral ang pananakot kaya ang lahat
ng mga biyaya ay napupunta rito.
Ang pulang Tandang ang nagpapasasa sa mga butil ng palay na
unang nakikita ng iba pang tandang sa mga pilapil.
Ito ang tumutuka sa mga butil ng mais na unang nahahanap ng
mga inahin sa mga lansangan.
Ito rin ang umaagaw sa mga bulateng nakakahig ng mga sisiw
sa mga bakuran. Ang pulang Tandang ang dapat mauna sa pagtilaok kapag sumikat
na ang araw sa umaga.
Ang pulang Tandang ang dapat mauna sa pag-ikut-ikot nito sa
kabukiran, sa kagubatan, sa mga lansangan at sa mga bakuran matapos
makapananghalian.
Ang pulang Tandang ang dapat mauna sa paglipad sa
pinakamagandang sanga kapag humahapon na.
Ang pulang Tandang ang Hari ng lahat, lumiwanag o dumilim
man ang kapaligiran.
Isang umaga ay nanakot na naman ang pulang Tandang.
Itiningkayad nito ang mahahabang mga paa sa kinatatayuang sanga. Sinipat nito
ang mababang puno na kinaroroonan ng nangakapikit pang mga tandang, inahin at
sisiw. Nang mapansing siya pa lang ang gising ay lalo nitong pinakatuwid-tuwid
ang pagkakatindig at parang torotot ng haring rumapido ng pagtilaok sa
kaitaasan.
“Ko… ko… ro… kok!” tilaok nito.
Nangagising ang lahat na napatingala. Nagulat ang mga
tandang, inahin at sisiw nang matanawan sa kalawakan ang isang malaking Lawin
na dumagit sa pulang Tandang.
Inilipad paitaas ang mayabang na pulang Tandang na walang
nagawa kundi magkakawag. Nang mataas na mataas na ang nalilipad ay binitawan ng
higanteng Lawin ang biktima.
Nagkabali-bali ang mga buto ng masibang Tandang nang
bumagsak sa lupa.
Magmula noon, matahimik na nabuhay sa komunidad ang mga
tandang, inahin at sisiw. Wala na ang mayabang na pulang Tandang. Naglaho na
ang naghahari-harian.
Aral: Ang sinumang
naghahari-harian ay may makakatapat na kalaban.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento