Si Juan ang Pumatay
ng Higante
Isang umaga, tinawag si Juan ng kanyang ina. “Anak, dalhin mo
kaya ang baka natin sa bayan at ipagbili mo. Wala na tayong maibili ng ating
mga kailangan.”
Madali namang sumunod sa ina ang bata. Malapit na siya sa
bayan, at hila-hila nga niya ang ipagbibiling baka nang may nasalubong siyang
matandang lalake.
“Saan mo dadalhin ang baka?” tanong ng matanda,
“Sa bayan po, para ipagbili,” sagot ni Juan.
“Gusto mo, palitan ko na lang siya nitong mahiwagang buto?
Magic ito, makikita mo,” alok ng matanda,
“Siyanga po? Mahiwaga?” Sapagkat bata, mahilig sa magic talaga
si Juan, at madali ring mapaniwala. “Sige po, payag ako.”
Iniuwi niya ang isang dakot na buto ng halaman na palit sa
baka. “Nasaan ang perang pinagbilhan mo sa baka?” tanong ng kanyang ina.
“Wala pong pera. Ipinagpalit ko po ang baka sa mga butong ito.
Mahiwaga raw po ito, sabi ng matanda.”
Sa galit ng ina sa anak dahil nagpaloko raw ito, itinapon
niya ang mga buto sa bintana. “Ikaw talagang bata ka, hanggang ngayon ay madali
ka pa ring maniwala sa mga manloloko.”
Nang magising kinaumagahan si Juan, nagulat siya na may
punong mataba sa labas ng bintana niya. Lumabas siya para masdan ang bigla na
lamang na lumitaw na puno at nakita niyang pagkataas-taas nito. Hindi niya
maabot ng tingin ang tuktok nito dahil nasa mga alapaap na.
“Nanay, tingnan ninyo ang puno! Mahiwaga nga pala ang mga
buto! Aakyatin ko po.”
Inakyat nga niya ito at matagal bago siya nakarating sa
tuktok. Sa itaas, may nakita siyang malapalasyong bahay at pumasok siya rito.
May babaeng sumalubong sa kanya. “Naku! Bakit ka pumarito? Hindi mo ba alam na
bahay ito ng higante? Naku, ayan na siya, dumarating! Tago ka diyan sa ilalim
ng mesa at baka ka makita.”
“Ho-ho! Ano ba iyong naamoy ko?” Malakas ang tinig ng
higante. “May ibang tao ba rito?”
“Wala po,” sagot ng babae. “Naaamoy lang po ninyo ang
masarap na pagkaing luto ko. Sige po, kumain na kayo.”
Umupo ang higante at kinain ang isang palangganang pagkain
na inihain sa kanya. Nagpahid ng bibig at tumawag sa babae, “Dalhin mo rito ang
manok ko.”
Sa pagkukubli ni Juan sa ilalim ng mesa, nakita niyang
ibinigay ng babae ang isang makulay na inahing manok sa higante. “Mangitlog ka,
manok, at pagkatapos ay umawit ka para ako makatulog,” utos ng higante at
inilagay sa mesa ang hinahaplos na manok.
Kitang-kita ni Juan na lumabas sa manok ang isang gintong
itlog na tuwang-tuwang isinilid sa bulsa ng higante. “Ngayon, patulugin mo ako
sa pag-awit mo.”
Pati ang tinig ng manok ay tila ginintuan din dahil madaling
nahimbing ang higante. Dagling lumabas sa pinagtataguan si Juan, sinunggaban
ang manok sa mesa, at nagtatakbo sa punong inakyatan niya.
Nang bababa na siya sa puno, biglang tumilaok ang inahin,
“Tak-ta-la-ok!” Malakas at hindi na ginintuan ang boses nito, kaya nagising ang
higante.
“Huy! Anong nangyari? Nasaan ang manok ko?” Nakita niyang
halos nasa kalagitnaan na ng puno si Juan at ito’y hinabol niya.
“Inay, dali!” tawag ni Juan sa ina.
“Akina ang palakol. Hinahabol ako ng higante.”
Pagkaabot sa kanya ng ina ng palakol, inihataw niya itong
dali-dali sa puno. Halos nasa ibaba na ang higante nang maputol niya ang puno.
Patay ang higante nang bumagsak ito sa lupa.
Naging mariwasa ang buhay ni Juan at ng kanyang ina dahil sa
manok nilang umiitlog ng ginto. Hindi naman nila ipinagmaramot ang mga biyaya
nila sapagkat tumulong sila sa maraming salat sa buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento