Ang Lobo at ang Tupa
Dumidilim na kaya nagmamadaling pinapasok na ng pastol ang
mga alagang Tupa sa likod bahay. Hindi namalayan ng pastol na isa sa mga Tupa
niya ang nakapuslit at nakabalik sa pastulan.
Habang tuwang-tuwang nanginginain ang Tupa sa berdeng
damuhan, isang gutum na gutom na Lobo ang humahangos na dumating. Sa sobrang
takot ay kumaripas ng takbo ang Tupa.
Hinabol nang hinabol ng Lobo ang bibiktimahin. Lalong
pinagbuti ng tupa ang pagtakbo. Niligaw-ligaw niya ang gutum na gutom na Lobo.
Pumasok siya sa kagubatan, sumuot sa loob ng mga kuweba at tumalun-talon sa
itaas ng mga nilulumot na bato. Inakala ng Tupang hindi na siya masusundan ng
Lobo pero nagkamali siya. Naabutan din siya nito. Nang akmang sasakmalin na ay
nagmakaawa ang Tupa. Pero kahit gaano kalakas umiyak ay hindi matinag ang Lobo.
Sapagkat mamamatay na rin lang ay umisip ng huling paraan
ang Tupa upang masalba ang sarili.
“Payag na akong pakain sa iyo. Pero kakakain ko lang ng
maraming damo na di pa nagiging bahagi ng kalamnan ko. Lalo akong magiging
malaki at maalsa kung hahayaan mo muna akong magsayaw.”
“Ha? Sasayaw ka pa?”
“Aba, oo!” panloloko ng Tupa. “Kailangang matunaw ang damong
nginuya ko.”
Inisip ng ganid na Lobo na mas makukuntento siya kung lalong
maging malaman ang Tupa.
Bago nagsayaw ang Tupa ay pinahawakan muna niya ang kuwintas
na batingaw sa ganid. Napansin ng Lobong hindi naman umaalsa ang katawan ng
Tupa.
Sinabi ng Tupang kailangang kalansingin ng Lobo ang
pinahawakang kuwintas upang ganahan siya sa pagsasayaw. Nang makitang di naman
nag-iiba ang katawan ng Tupa ay galit na sasakmalin na sana nito ang
kaawa-awang kaluluwa.
“Kaunting lakas pa ng pagkalansing sa batingaw upang lalo
akong ganahang magsayaw,” pag-uutos ng Tupa.
Sa pagkainip ay iwinasiwas ng lobo ang kuwintas na batingaw
na narining ng pastol.
Dali-daling binilang ng pastol ang mga Tupa at nang
mapansing wala ang isa ay mabilis niyang ipinagsama ang mga matatapang na aso
niya.
Ilang sandali lamang ay natanaw na niya ang nagsasayaw na
Tupa. Sinugod ng malalaking aso ang Lobong kumaripas ng takbo papunta sa
bundok.
Malalim na nakahinga ang Tupa na humalik-halik sa paanan ng
pastol at para bang nangangakong, “Hinding-hindi na ako pupuslit. Kung saan
naroon ang mga kasama ko, ay naroroon din ako.”
Aral: Sa oras ng
kagipitan dapat gamitin ang masining na kaisipan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento