Linggo, Mayo 1, 2016

ANG ORTOGRAPIYA NG WIKANG PAMBANSA

UNANG BAHAGI


ANG ORTOGRAPIYA NG WIKANG PAMBANSA
Komisyon sa Wikang Filipino
Agosto 1, 2007



PANIMULA: Ang ortograpiya ng wikang pambansa ng Pilipinas ay ang kabuuan ng ipinapalagay na pinakamaunlad at pinakatumpak na mga kalakaran kung paano inililipat ng mga Pilipino ang sinasalitang wika sa anyong pasulat. Ang ortograpiyang ito ay tumutukoy sa istandardisadong set ng mga grapema (o pasulat na mga simbolo) at ng mga tuntunin sa paggamit ng mga simbolong ito, kapag sumusulat sa wikang pambansa.

I. MGA GRAPEMA. Ang mga grapema o pasulat na simbolo sa praktikal na ortograpiya ng wikang pambansa ay binubuo ng:

A. Letra (na kung tawagi’y ang alpabeto). Ito ay binubuo ng dalawampu’t walong (28ng) simbolo:

Aa Bb Cc Dd Ee Ff Gg Hh Ii Jj Kk Ll Mm Nn Nn NGng Oo Pp Qq Rr Ss Tt Uu Vv Ww
Xx Yy Zz.

B. Di-Letra. Ang mga di-letra ay binubuo ng:

1. wala ( ) at gitling (-), na parehong sumisimbolo sa impit na tunog.
2. tuldik: wala ( ), pahilis ( ΄ ), paiwa ( `) at pakupya (ˆ )
3. bantas: tuldok (.), pananong (?), pandamdam (!), kuwit (,), tuldukkuwit(;), tutuldok (:),
at kudlit ( ’ ).

Tatalakayin sa hiwalay na papel ang gamit ng mga bantas.

II. TAWAG SA MGA LETRA AT PASALITANG PAGBAYBAY.

A. Tawag sa mga letra. May dalawang paraan sa pagtawag ng mga letra:

1. Tawag - abaseda o ponetiko:
“a”, “ba”, “se”, “da”, “e”, “fa”, “ga”, “ha”, “i”, “ja”, “ka”, “la”, “ma”, “na”, “nya”, “nga”, “o”, “pa”, “kwa”, “ra”, “sa”, “ta” “u”, “va”, “wa”, “eksa”, “ya”at “za”.

2. Tawag - Ingles:
“ey”, “bi”, “si”, “di”, “i”, “ef”, “ji”, “eych”, “ay”, “jey”, “key”, “el”, “em”, “en”, “enye”, “en", "ji”, “ow”, “pi”, “kyu”, “ar”, “es”, “ti”, “yu”, “vi”, “dobolyu”, “eks”, “way”, “zi”.

3. Ang pagtawag sa mga di-letra ay alinsunod sa I, (B).

B. Dalawang paraan ng pasalitang pagbaybay.

1. Baybay-abaseda (a-ba-se-da) o ponetiko:
“Rizal” = “malaking ra”- “i”-“za”- “a”-“la”
“pag-asa = “pa”-“a”-“ga”-“gitling”-“a”-“sa”-“a”
“buko” = “ba”-“u”-“ka”-“o”
“bait” = “ba”-“a”-“i” - “ta”
“luto” = “la”-”u”-“ta”- “o”
“basa” = “ba”-“a”-“sa”- “a”

2. Baybay-Ingles (ey-bi-si-di):
“Rizal” = “kapital ar”-“ay”-“zi”- “ey”-“el”
“pag-asa” = “pi”-“ey”-“ji”-“gitling”-“ey”-“es”-“ey”
“buko” = “bi”-“yu”-“key”-“ow”
“bait” = “bi”-“ey”-“ay”-“ti”
“luto” = “el”-‘yu”-“ti”- “ow”
“basa” = “bi”-“ey”-“es”- “ey”

3. Ipinapayong ituro muna ang baybay-ponetiko lalo na sa panimulang pagbasa at pagsulat, at isunod na ituro ang baybay-Ingles.

C. Mga katwiran sa pagtuturo ng dalawang paraan ng pagbabaybay.

1. Ang mga kalakasan ng dalawang pagbabaybay ay ang sumusunod:

a) Pagsasarili. Maipapakita na magkaiba ang wikang sarili at ang wikang Ingles sa pamamagitan ng magkaibang paraan ng pasalitang pagbabaybay.

b) Madaling matutuhan. Kumpara sa tawag-Ingles, ang tawag-abaseda ay higit na malapit sa aktuwal na tunog na kinakatawan ng mga letra.
Inaasahang makapagpapadali ito sa pagkakatuto ng mga nagsisimulang bumasa’t sumulat sa wikang pambansa.

c) Episyente. Sa ortograpiyang ito ay nababaybay hindi lamang ang katutubong mga salita sa wikang pambansa at sa iba pang mga wika sa Pilipinas kundi pati ang mga hiram na salita buhat sa mga banyagang wika.

d) Tumpak. Ang pagsusulat ng mga letra at di-letra gaya ng mga tuldik at ng gitling ay nagpapatingkad sa pangangailangan na maging eksakto at tumpak, lalo pa’t ang mga tuldik at gitling ay kumakatawan sa mga makahulugang tunog sa wikang pambansa.

e) Madaling ituro. Kabisado pa rin ng mga guro ang tawag-abakada, kung kaya’t inaasahang hindi na mahihirapan ang mga ito kapag bumalik sa pagbabaybay ponetiko. Kapag walang mga tuldik, nahihirapan kapwa ang guro at mag-aaral sa pag-alam kung ano ang tamang bigkas at tamang ibig sabihin ng mga nakasulat na salita.

f) Maililipat sa ibang mga wika. Makatutulong ang ortograpiyang ito para mas madaling maunawaan at matutuhan hindi lamang ang mga lokal na wika kundi pati ang mga wika para sa mas malawak na komunikasyon (i.e. Ingles).

g) Para sa lahat. Ang pagtuturo ng pagbabaybay ay para sa kapakinabangan ng mga nagsisimulang bumasa’t sumulat at ng mga hindi katutubong tagapagsalita ng Tagalog.
Tandaan na karamihan ng mga Pilipino ay nagsasalita ng wikang pambansa (at ng Ingles)
bilang pangalawang wika.


2. Tutol ang iba sa dalawang paraan ng pagbabaybay sapagkat “nakasanayan na raw ng mga tao ang baybay-Ingles.” Kahit totoo ito, dapat tandaan na ang kasanayan sa baybay- Ingles ay nakamtan sa eskuwelahan. Ibig sabihin, maaari ring ituro at makasanayan ang baybay-abaseda.






Mga Sanggunian:

e-filipino101. Retrieved from
http://e-filipino101.blogspot.com/2009/04/ang-ortograpiyang-ng-wikang-pambansa.html

Retrieved from
wika.pbworks.com/f/ORTOPDF.pdf






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento