Bakit Mataas Ang
Langit
Noong unang panahon ay mababang-mababa ang langit at walang
buwan ni bituin. Bakit kaya tumaas ang langit? Narito sa kuwento na ito ang mga
sagot. Si Maria at ang kanyang nanay ay nakatira sa isang bahay-kubo. Si Maria
ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw
ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino
sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay
at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.
“Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina.
“Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos.
“Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala
tayong bigas na isasaing.”
“Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi
niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.
“Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali
ka,” ang galit na galit na utos ng matanda.
Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay.
Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kapag galit na
galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali. Nagbayo na siya
nang nagbayo ng palay. Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.
“Napupuno ng pawis ang aking kuwintas,” ang wika ni Maria sa
kanyang sarili.
“Hinubad niya ang kuwintas. Inalis ang kanyang suklay.
Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay.
Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.
“Kay ganda ng aking suklay at kuwintas,” ang wika ni Maria
sa kanyang sarili. “Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay
isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas.”
Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay
upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas. Tumaas ng
tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa
lusong. Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni’t hindi niya
napapansin. Sa palay na ngayon ang kanyang tingin. Tinitingnan niya kung
malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas. Itinaas
pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong
at nang madaling mabayo ang palay.
Sa bawa’t pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo
sa langit at sa bawa’t pagbunggo naman ay tumataas ang langit. Nang mapuna ni
Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit. Tangay-tangay ang kanyang gintong
suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.
Tumaas nang tumaas ang langit. Tumaas din nang tumaas ang
suklay at kuwintas. Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at
tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na. Hinanap niya ang
kanyang suklay at kuwintas. Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang
naging buwan. Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at
siya namang naging mga bituin.
“Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay,” ang wika
ni Maria sa kanyang sarali, “At anong kinang ng mga butil ng aking kuwintas!”
sino po ang may akda
TumugonBurahinAmado V. Hernandez
Burahin