Ang Sayaw ng
Mandirigma
Noong unang-unang panahon ay mababa lamang ang kalangitan.
Napakababa nito na kayang abutin ng mga tao.
Dahil sa lapit na ito ng langit, ang kahilingan ng mga tao
ay agad na naririnig ng mga diyos sa kalangitan at kaagad na ipinagkakaloob sa
kanila. Ito ang dahilan kung bakit sadyang inilapit ng mga diyos ang langit sa
mundo. Ang nais nila ay matulungan ang mga tao. Sa ganitong kalagayan, maligaya
ang mga tao. Wala silang gagawin kung hindi humingi at agad namang ipagkakaloob
sa kanila.
Hindi nagtagal, umabuso ang mga tao. Naging tamad na sila.
Ayaw na nilang magtrabaho at iniaasa na lamang sa mga diyos ang kanilang
panga-ngailangan. Dahil dito, nagalit ang mga diyos kaya binago nila ang
kanilang panuntunan. Patuloy pa rin nilang pangangalagaan at pagbibigyan ang
mga tao sa kanilang kahilingan ngunit paghihirapan muna nila ito. Kailangan
nilang magtrabaho bago nila makamtan ang anumang nais nila.
Mula noon, hindi na naging madali ang pamumuhay ng mga tao.
Nagsimula na silang gumawa sa bukid sa ilalim ng init ng araw o buhos ng ulan.
Ang pagtatanim at pag-aani ay kanilang pinagtutulungan.
Pagkatapos ng anihan, sila ay nagkakaroon ng mga pagdiriwang
bilang pasasalamat sa masaganang ani. Naghahanda sila ng maraming pagkain at
inumin. Ang kasayahang ito ay inaabot ng isang buong linggo. Masaya ang lahat,
lalo na ang mga magsasaka, dahil makapagpapahinga sila ng ilang buwan habang
marami pa silang pagkain.
Isang araw ay inihayag ni Abing, pinuno ng tribu, na
magkakaroon sila ng marangyang pagdiriwang dahil sa higit na masaganang ani.
Tulad ng inaasahan, nagkaroon ng malaking kasayahan ang buong nayon. Bumaha ang
napakaraming pagkain at inumin.
Matapos magpasalamat sa mga diyos, nagsimula ang
pagdiriwang. Pinagpistahan ng mga dumalong panauhin ang masasarap na pagkain at
inumin. Matapos ito ay inanyayahan ng pinuno na manood ang lahat sa ipakikitang
sayaw ng mga mandirigma bilang parangal sa pagpapanatili nila ng katahimikan sa
kanilang lugar.
Gayon na lamang ang tuwa ng mga tao nang magsimulang sumayaw
ang mga mandirigma na buong husay na iwinawasiwas ang kanilang mga sibat.
Sinabayan sila ng mga panauhin sa pag-indak sa tugtog habang pumapalakpak.
Isang mandirigmang napakahusay humawak ng sibat ang labis na hinangaan ng mga
manonood. Bigla silang natahimik habang pinanonood ang kakaibang husay nito sa
pagsayaw at paghawak ng sibat. Dahil sa kalasingan at nakikitang paghanga ng
tao sa kanya, marahan itong umikot paitaas at ikinumpas ang kanyang sibat nang
napakataas.
Napasigaw ang lahat! Nakalimutan ba ng mandirigma na mababa
lamang ang langit? Hindi lamang niya natusok ang mga ulap, nasugatan din niya
ang isa sa mga nanonood na diyos!
Nagalit ang ibang mga diyos sa pangyayaring ito. Nang gabi
ring iyon, ipinasya nilang itaas ang langit mula sa lupa.
Simula noon, ang panalangin ng mga tao ay naglalakbay muna
ng napakalayo bago marinig ng mga diyos at ito ay ipagkaloob sa kanila. Patuloy
pa ring pinangangalagaan ang mga tao ng mga diyos sa langit ngunit ang
binibigyan lamang nila ng grasya ay iyong mga karapat-dapat. At kung ibigay man
ang hinihiling nila, ito ay karaniwang hindi kaagad. Nagtatagal muna bago ito
ipagkaloob. Nangyari ito dahil lamang sa walang ingat na pagsasayaw ng isang
mandirigmang nakatusok sa ulap at nakasugat sa isa sa mga diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento