Alamat ng Pagong
Nakakita nab a kayo ng pagong? Ito ay isang uri ng
reptilyang nabubuhay sa mga pook na dalatan o katihan. Ang katawan nito ay
nababalutan ng matigas na talukab na sa biglang-tingin ay tila munting plato 0
batingaw; may apat na paa, maikling buntot, mahabang leeg, at ulong sapad na
lumabas-pumasok sa ilalim ng bao o pinakatalukab na nasa kanyang likod. Ayon sa
paniniwala, nagiging malilimutin ang naglalarong pagong. Maaaring tama o mali
ito, ngunit ang tiyak ay masarap ang atay at itlog nito, na kasing linamnam ng
kanyang alamat.
Si Gat Urong-Sulong ay matanda na. Papalubog at
patakip-silim na ang kanyang buhay, matapos niyang landasin ang rurok ng
kaningningan. Laos na ang dating kilabot at pangunahing sandata ng Barangay
Lumubog-Lumitaw.
Likas mandin na ang isang bagay ay mahalaga kung ito'y
pinakikinabangan; ngunit kung lipas na at walang saysay, ano pa ang dahilan
upang ito'y ingatan? At si Gat Urong-Sulong, na isa nang inutil, ay nalimutan
na ng barangay na kay tagal niyang minahal at pinaglingkuran. Hindi marahil
magkakagayon kung di maagang namayapa ang dating puno ng barangay na si Lakan
Dupil. Nagmistula siyang palaboy ng tadhana na walang nais kumandili.
Isang maliwanag at napakaganda ng gabi, ang buong Barangay
Lumubog-Lumitaw ay nagdiriwang. Ipinagbubunyi nila ang pag-iisang dibdib nina
Lakan Alamid at Dayang Matampuhin. Tanging si Gat Urong-Sulong ang nagmumukmok
sa kalungkutan. Ang babaing una at huli niyang minahal ay nagtaksil sa kanya at
sumama kay Gat Alamid na ngayon ay bagong lakan ng barangay. Iyan palang
lalaki, masugatan man ang puso at dibdib, ang lahat ay mababata at matitiis;
ngunit kapag dangal niya ang siyang nagkadungis sasabog ang lupa, babagsak ang
langit!
At tinungo ni Gat Urong-Sulong ang baybay-dagat. Matamlay na
umupo sa ibabaw ng isang malapad na bato. Ang mga larawan ng nakalipas ay
isa-isang nagdaan sa kanyang gunita, hanggang sa ang mga ito ay papanglabuin ng
mga patak ng luha. Bigla siyang napabuntung-hininga nang madama ng sarili ang
masaklap na kasalukuyan. At nabuo ang isangpasiyang mapait. Kung ang puso
niya'y bigo at sawi sa pag-ibig, ang lunas ay kagyat na pananahimik...!
Humahalakhak at bumubulong ang hangin at ang laot ng dagat ay kumakaway at
nag-aanyaya ng kamatayan! "Patawarin mo ako Bathala...!" usal ni Gat
Urong-Sulong, "Tanging ito lamang ang lunas!" At siya'y
tumindig...lumakad! Kumalabusaw ang tinig... papalayo... papalayo... patungo sa
laot ng karagatan! Subalit atas mandin ng tadhana, biglang umugong ang
kapaligiran, yumanig ang lupa...! Lumindol...! "Ha-ha-ha...!" ani Gat
Urong-Sulong, "Ilakas mo pa at nang mamamatay kaming lahat...!"
Tinugon siya nang biglang pagkiwal ng tubig! Kamuntik na siyang bumaligtad nang
siya'y bundulin ng isang nagsusumagsag na munting alon! At sa dako pa roon ng
dagat ay nakita niya na gumugulong, ang nakasisindak at naglalakihang mga
alon...patungo...patungo sa dako niya at sa Barangay Lumubog-Lumitaw!
Umalikabok at uilandang ang mga buhangin sa dalampasigan sa
ginawang sagsag-takbo ni Gat Urong-Sulong! Parang ibininit ng palasong tinungo
niya ang barangay...sa dakong kinalalagyan ng isang malaking gong. Sa nalalabi
niyang lakas ay pinalo niya ang gong...sunod-sunod, hataw-tunog, pandalas...mabilis!
Ang "Pag-gong" na iyon ang tanging lunas upang mapatalastasan ang
lahat sa napipintong panganib.
Bawat lakbay-tunog ay umalingawngaw sa buong barangay;
sinagap at ipinagsalin-salin ng mga tambuli sa lahat ang nakagigimbal nitong
hatid-patalastas na nagbabayad ng "Madaling Paglikas sa Burol!" Ang
"Pag-gong" ni Gat Urong-Sulong ay patuloy...at patuloy din ang
paglikas sa burol ng libu-libong nilalang. Makalipas ang ilang saglit ay bahagi
na ng karagatan ang buong barangay nang sakmalin ito ng mga rumaragasang
dambuhalang alon! "Salamat kay Gat Urong-Sulong! Kung hindi sa kanyang
"Pag-gong" ay wala sinumang makaliligtas sa atin!"
Humupa na ang baha at nagbalik na rin ang mga limikas.
Subalit nawawala si Gat Urong-Sulong; nawawala rin ang malaking gong. Sila
marahil ay kapwa tinangay ng baha.
Nalutas ang paghahanap ng mga tao nang isang araw ay
makapansin sila ng mahiwagang hayop sa lugar na dating kinalalagyan ng ging at
ni Gat Urong-Sulong. Kataka-taka ang anyo ng hayop na iyon na ang talukab sa likod
ay mistulang larawan ng gong na nawala. Nagpasiya ang Pandita ng barangay.
"Ang mahiwagang hayop na ito ay tatawagin nating 'Pagong' mula ngayon,
bilang pagkilala sa isang ulirang pagpapakasakit ng isang dakilang puso."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento