Himala sa Kapaskuhan
Isang gabi ng kapaskuhan, may isang batang lalaki na patungo
sa katedral. Siya ay si Raul. May dala-dala siyang maliit na kandila na tanglaw
niya sa paglakad. Balak niyang itirik ito sa altar ng katedral para gumaling
ang malubha niyang ina.
May isang balon na kaniyang nadaraanan sa pagbagtas sa
kagubatan. Ito raw, ayon sa sabi, ay pinagmumultuhan. Kung ikaw raw ay
magdaraan at di maghuhulog sa balon ng barya ay may hahatak sa iyo sa balon at
di na muling makalalabas.
Nang malapit na siya sa balon ay nakarinig siya ng
halinghing, isang hinaing. Naalala niyang hindi nakapagdala ng barya panghulog
sa balon. Natakot si Raul at tumakbong palayo.
Subalit siya’y nadapa sa lugar na malapit sa balon. May
narinig siyang boses ng isang bata. Anito: “Tulungan mo akong makaahon dito.
Ibigay mo sa akin ang iyong kandila upang makita ko ang aking lalabasan.”
Sumagot si Raul: “Ang kandilang ito ay para sa aking ina.
Ititirik ko ito sa altar upang gumaling siya.”
“Hindi mo ba ako mapagbigyan sa gabi ng kapaskuhan?” ang
samo ng tinig.
Nag-isip sumandali si Raul. Pagkatapos ay inihagis niya ang
kandila sa balon. Lumuhod siya, sumubsob sa dalawang palad, at umiyak.
Biglang-bigla… nagliwanag! Nang itaas ni Raul ang kanyang
ulo ay nakita niya ang isang bata na tangan-tangan ang kanyang kandilang
inihagis sa balon. “Magbalik ka sa inyo,” ang sabi ng bata. “Ang iyong ina ay
magaling na.”
Patakbong umuwi si Raul, at nakita niya ang naghihintay
niyang ina. Ito ay magaling na at parang hindi nagkasakit.
Nang nakapag-usap ang mag-ina ay sabay silang nagtungo upang
magdasal ng pasasalamat. Sila ay hindi sa katedral nagtungo kundi sa lumang
simbahan.
Nang sila’y pumasok sa simbahan ay halos nasilaw sila sa
liwanag na nagmumula sa altar.
Sa ganoong pangyayari ay naging maganda ito tulad sa
katedral.
“Raul, bakit ganoon ang liwanag? Paano at bakit ang isang
kandilang munti ay makapagbibigay ng ganoong liwanag?” ang pasigaw na tanong ng
ina ni Raul.
Lubhang namangha si Raul. Habang siya’y nakaluhod ay
tiningnan niya ang kandila. Nakilala niyang iyon ang kandila niyang inihulog sa
balon at dala-dala ng batang kanyang tinulungan.
Hango sa kuwento ni L. Salvador
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento