Alamat ng Kasoy
Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto
nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy.
Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Adang kagubatan.
Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman.
Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng
parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay
sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng
mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong
ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya.
Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya ang
kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot.
"Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto
ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang
katuwaan."
Naulinigan ng makapangyarihang Ada himutok ng Buto.
"Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka
ba?"
"Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na
kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag
may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila
naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada.
Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng
prutas na ito."
Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas
nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na
kulungan ang Buto."
Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan,
kantahan, at pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman.
Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga
Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepanteay kumembut-kembot
ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pagimbay ang mahagway na Kawayan kasama
ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan.
Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang
makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap
ang parol nila.
Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid. Nahahalinhan
ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago
ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga
ugat sa ilalim ng lupa.
Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot
at kinakaliglig sa lamig ang Buto.
"Ga...Ganito pala sa labas. Ma...Mamamatay ka sa
sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng
kidlat. A...Ayoko na sa labas."
Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang
panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang
abuhing Buto nito.
Iyan ang Alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento