Ang Paboreal at ang
Heron
Kinaiinisan ng lahat ng ibon ang Paboreal. Napakayabang kasi
niya. Napakataas ang pagpapahalaga niya sa sarili. Sa palagay ng Paboreal, siya
ang pinakamagandang hayop na may pinakamakulay na pakpak sa kagubatan.
Naniniwala siyang dapat lang na pag-usapan ng lahat ng ibon ang maganda niyang
paglakad, ang mapang-akit niyang pagtindig, ang matamis niyang pagngiti, at ang
malambing niyang pag-awit.
Sa kayabangan nangunguna ang Paboreal. Kapag nagkakaumpok
ang lahat ng ibon sa may damuhan ay sinasadya ng Paboreal na magdaan sa harapan
nila. Upang lalong mapansin, ibinubukadkad niya ang makukulay na pakpak at
lumalakad siyang parang reynang dapat na tingalain, hangaan at igalang.
“Pagkayabang-yabang ng Paboreal na iyan!” galit na bulong ng
Kalapati.
“Oo nga. Palakad-lakad pa sa ating harapan. Parang reynang
wala namang korona,” sabat ng Agila.
“Tuturuan natin ng leksiyon ang reyna kondesang yan,”
pahayag ng Uwak.
“Ako ang bahala diyan,” sagot ng Heron.
“Bakit bubulung-bulong kayo diyan?” tanong ng Paboreal.
“Siguro inggit na inggit kayo sa maganda kong pakpak at balahibo, ano?”
“Ang sinumang may pakpak ay dapat magpasikat hindi sa kulay
ng pagka-ibon niya kundi sa paglipad niya sa kalawakan. Ikaw. Handa ka bang
lumaban sa liparan?”
Hindi kaagad nakakibo ang Paboreal na sa kabiglaan ay
pumayag sa laban.
Unang lumipad ang Heron. Nagpaikut-ikot ito sa kalawakan.
Palakpakan ang lahat kahit na hindi gaanong mataas ay nakalipad ang humamon.
“Ikaw naman ngayon, Paboreal.
Ikaw naman!” sigaw na panunudyo ng lahat.
Ibinukadkad ng Paboreal ang maririkit niyang pakpak.
Nalungkot siya nang di man lamang siya makaangat sa lupa upang lumipad.
Ikinampay niyang muli ang makukulay na pakpak pero wala ring paglipad na
naganap.
Mayabang na ibinukadkad na muli ng Paboreal ang parang
pamaypay na mga pakpak. Kumampay siya at bumilang pa mandin ng, “Isa! Dalawa!
Tatlo!” Pero bigo at bigo pa rin siya. Hindi niya natutuhang lumipad sa kalawakan.
Kahit may maganda siyang balahibo at pakpak, mapang-akit na tindig at malamyos
na tinig ay hindi naman niya alam ang sining ng paglipad sa kaitaasan.
“Lipad, Paboreal, lipad!” sigaw ng lahat.
Lumayo si Paboreal na hiyang-hiya. Napansin ng lahat na
malungkot siya at sa mga mata ay may luha. Magmula noon, natuto na siyang
magpakumbaba.
Aral: Huwag
magpakataas. Kung bumagsak ay lagapak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento