Alamat ng Ilang-Ilang
Sa isang malayong lugar, may mag-asawang matagal nang hindi
magkaanak sa kabila ng kasaganaan nila sa buhay.
Abot ang dasal nila kay Bathala na sana’y pagkalooban nga
sila ng anak.
Isang gabi, habang nananalangin ang babae, nagpakita ang
isang anghel sa kanya at nagwika, "Huwag kang matakot. Isinugo ako ni
Bathala upang maghatid ng magandang balita. Kayo ay bibigyan na ng anak na
babae na napakaganda. Tawagin ninyo siyang Ilang, subalit iwasan ninyo na
mahawakan siya ng lalaki. Kapag nangyari iyon, mawawala sa inyo ang inyong
anak," pahabol ng anghel.
Nang nadalaga na si Ilang, maraming lalaki ang naakit sa
kaniya.
Labis na nangamba ang mga magulang niya na baka mahawakn ng
mga lalaki kaya’t kinulong nila sa isang silid ang anak.
Matinding kalungkutan ang nadama ni Ilang. Lagi siyang
umiiyak araw at gabi. Gabi-gabi ay nananalangin siya.
Dininig ni Bathala ang panalangin ni Ilang. Isang araw,
biglang nabuksan ang bintana sa silid ni Ilang at siya’y tuwang-tuwang
nakalabas. Nagmasid sa magandang hardin at lumanghap ng sariwang hangin. Walang
anu-ano’y, biglang may nakakita sa kaniya. Tinawag siya ng isang lalake at
hinawakan ang kaniyang palad.
Huli na nang dumating ang kanyang ina. Si Ilang ay
unti-unting naglaho. Walang nagawa ang ina kundi umiyak na lang at sinabing,
"Ilang… Ilang… nasaan ka na anak?" Isang napakabangong halimuyak ng
isang bulaklak ang naamoy ng ina. Nanggaling ito sa lugar ng kinalubugan ni
Ilang. May isang halamang unti-unting umusbong sa lupa. Ang halamang ito ay
pinangalanang Ilang, bilang pag-alaala sa kanilang anak na si Ilang.
Sa paglipas ng panahon, ang Ilang ay naging Ilang-Ilang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento