Ang Manlalakbay at
ang Aso
Paikut-ikot sa kabahayan ang manlalakbay na gustong
makasiguro na wala siyang anumang makakalimutan.
Umaga pa lamang ay inisa-isa na niya ang listahan ng mga
pagkain, damit at pasalubong na dadalhin.
Inempake niya sa tatlong bagahe ang mga dalahin. Iniisip
niyang baka may kakilala siyang makasabay sa paglalakbay kaya binuksan niyang
muli ang bagahe ng pagkain at nagdagdag ng tinapay at inumin.
Nag-ikut-ikot siya sa kabahayan at ikinandado ang mga
bintana.
Maya-maya ay binuksan niyang muli ang naempakeng bagahe ng
mga damit. Tinanggal niya ang maninipis na baro sapagkat naalala niyang malamig
nga pala sa siyudad na pupuntahan.
Binuksan niyang muli ang mga bintana at sinuri kung walang
awang sa pagitan ng mga salamin. Maaari nga naman itong pasukin ng tubig kung
umulan. Ikinandado niyang muli ang mga bintana nang nakasigurong malayong
makapasok sa kabahayan ang tubig-ulan.
Maya-maya ay binuksan niyang muli ang naempakeng bagahe ng
mga pasalubong. Binawasan niya ang ipapasalubong sapagkat naalala niyang
nangibang bayan na ang ilang kamag-anak na gusto sana niyang sorpresahin.
Matapos isara ay binuksan niyang muli ang bagahe sapagkat
naalala niyang nakabalik na nga pala sa siyudad nila ang nangibang bansang
pinsan niya. Matapos isara ang bagahe ay tiningnan naman niya ang mga
koneksiyon ng ilaw nila. Sinindihan, pinatay niya ang ilaw. Minabuti niyang
tanggalan muna ng koneksiyon ang kuryente upang makasigurong hindi ito simulan
ng sunog. Sindi, patay, sindi.
Sa kabubukas at kasasara ng mga bagahe at sa kabubukas at
kasasara ng kandado at sa kapapatay at kasisindi ng ilaw at sa kasusuri sa mga
koneksiyon ng kuryente ay inabot ng hapon sa paghahanda ang manlalakbay.
Nang makita nito ang kukurap-kurap na Aso ay galit na galit
itong sumigaw.
“Buwisit na aso ka. Pagod na ako sa kahahanda sa pag-alis
natin. Hayan at kukurap-kurap ka lamang sa pagkakaupo mo sa sulok.”
Tumindig ang Aso at tumingin-tingin sa paligid. Umirap ito
sa amo na para bang naghihinanakit na nagsasabing, “Kanina pa ngang umaga ako
handang maglakbay. Pero pinaghintay ninyo ako nang napakatagal.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento