Huwebes, Hunyo 29, 2017

Alamat ng Bundok Banahaw

Alamat ng Bundok Banahaw


Nang ang malaking Bundok sa gitna ng pulong Luzon ay hindi pa kilala sa pangalang Banahaw, gayon din ang tahanang natatayo sa paanan at liblib, ay marami nang pook ang pinaninirahan ng mga tao. Lubha pa yaong mga lunsod na malapit sa ilog.

Sa maraming mag-aanak na doo'y ay kabilang ang mag-asawa ng Lukban at Bayabas. Iisang anak nilang lalaki, si Limbas, ang namumukod sa lakas, sa tapang at sa bilis. Sa kanyang panudla ay bihirang usa, baboy-damo, unggoy, at malaking ibon ay nakaliligtas. Kaya't hindi nagluwat, sa paligid-ligid, ng malaking bundok ay natanyag ang pangalang Limbis. Siya ang nagging hantungan ng paghanga ng lahat. Sa malayong pook ay dumating ang kabayanihan ni Limbas.

Isang araw ay nawala si Limbas at gayon na lamang ang panimdim ng mag-asawa. Hindi sila makakain at nmakatulog sa hindi pagdating ng kanilang anak Makalipas ang pitong araw ng pagkabalisa ay muling nagbalik si Limbas. Dala niya ang isang balutan na sari-saring damit at pagkain. Sa buhay ng mag-asawa ay hindi pa sila nakakalasap at nakakatikim ng gayong nag-iinamang damit at nagsasarapang pagkain. Pakinggan natin ang balita ni Limbas.

"Isang maginoong balbasin ang nagpakilala sa kanya na isang 'encantado'. Sa maharlikang tahanan nito sa tugatok ng bundok ay doon isinama si Limbas. Doon, ang lahat ng hayop ay puti ng balahibo, di lamang ang mga manok pati ang mga usa. Ang kakawan ay napakalawak at humihitik sa mga bunga. May sasakyang hinihila ang dalawang kabayong puti, na siyang ginagamit sa paglalakbay sa buong Luzon. At sumama lamang ako at pag-uwi ng bahay ay hindi mawawala ang dulot."

Yaong balutan ng damit at pagkain na pasalubong ni Limbas sa kanyang mga magulang ay unang dulot ng maginoo. Nguni't ang bilin nito bago iabot ang dulot ay dapat munang humalik si Limbas sa kanyang mga magulang. Anupa't ang hindi paghalik sa kamay ay makakapagpabago sa dalang dulot. Hindi miminsanang nawala si Limbas ng pituhang araw at hindi rin sa kanyang pagbalik ay sari-saring kasuotan at pagkainang dala ang nakasisiya sa kanyang mga magulang.

Minsang pagbalik ng bahay ni Limbas ay isang balutan ng maliit na bolang ginto ang padala ng ginoo. At sa tuwa ni Limbas ay nakalimutan humalik muna ng kamay sa kanyang mga magulang, at kara-karakang binuksan ang ballot at sinabing, "Narito po ang ating kayamanan mga bolang ginto!"

Subali't ng buksan ang balutan ay hindi ginto abg lumabas kundi mga bunga ng Anahaw.

Kaya't sa pagkagulat ay napasigaw si Limbas: Ba! Anahaw! Ba! Anahaw! Ba! Anahaw!"

At buhat noon ay tinawag na Banahaw ang malaking bundok na yaon sa gitna ng Luzon. Gayon din, ang bayan ng Lukban at Tayabas ay nagsimula sa pangalang Bayabas at Lukban, na mga magulang ni Limbas.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento