Ang Madaldal na
Pagong
Isang umagang maganda ang panahon ay nagkita-kita ang
magkakaibigan sa sapa, Sina Inang gansa,
Amang gansa at Madaldal na pagong. Sila’y nagkwentuhan ng
kung anu-anong bagay hanggang sa magpaalam ang dalawang gansa na sila’y uuwi
na.
Naisipan ng Pagong na nais niyang sumama sa tahanan ng mga
gansa. “Bakit hindi ninyo ako isama sa inyong tahanan? Nais kong sumama!”
“Ngunit wala kang pakpak Pagong. Paano ka makakalipad
papunta sa aming tahanan?” sabi ni Inang Gansa.
Nag-isip ang tatlo ng paraan kung paano makakasama si
Madaldal na Pagong.
“Alam ko na!” sabi ni Amang Pagong. “Kukuha tayo ng kahoy na
maari nating kagating tatlo. Kakagatin namin ni Inang gansa ang magkabilang
dulo at ikaw ay kakagat sa bandang gitna at sabay kaming lilipad.
Sa ganoong paraan ay makapupunta ka sa aming tahanan. Ngunit
lagi mong tatandaan, huwag na huwag kang magsasalita kundi ika’y mahuhulog sa
lupa.”
“Pangako, tatandaan ko!” anang Pagong.
Napangiti si Pagong sa ideya at dali-daling humanap ng
kahoy. Maya-maya pa ay lumipad na ang dalawang gansa bitbit ang madaldal na
Pagong.
Labis na natuwa ang Pagong dahil sa bagong tanawin na
kanyang nakikita.. Maya-maya ay nagtumpukan ang mga bata sa ibaba at sinisigaw
ang kanilang pagkamangha sa nakikita.
“Ang galing ng Pagong! Siya’y lumilipad! Ang galing!” sigaw
ng mga bata.
Labis na natuwa ang Pagong at naisipan niyang magyabang sa
mga bata.
“Ako ang Dakilang Pago—“
Hindi na naituloy ng pagong ang kanyang sasabihin dahil
nahulog siya mula sa pagkakakagat sa kahoy.
Lumagpak siya sa lupa at sising-sisi,dahil sa pagmamayabang
ay nahulog siya at di nakasama sa mag-asawang gansa.
Aral: Ang Pangako ay
dapat tinutupad. Kahit na anong tagumpay mo, kung paiiralin mo ang kayabangan
ay wala kang mararating.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento