Ang Kabayong Nagdamit
Leyon
Isang Kabayo ang naiinggit sa mababangis na hayop ng
kagubatan na kinatatakutan ng lahat.
“Mabilis nga akong tumakbo, nasasakyan ng tao at nakapaghahatid
ng mga kargamento pero hindi naman ako niyuyukuran sa kagubatan.”
“Alin bang hayop sa kagubatan ang gusto mong tularan?” usisa
ng mga Unggoy.
“Natural, gusto kong maging isang Leyon na kinatatakutan sa
pagiging Hari nito sa buong kagubatan.”
Napakamot ng ulo ang Usa. Hindi niya akalaing walang
kasiyahan ang Kabayo sa pagiging Kabayo nito.
Isang tanghali habang naghahanap ng mga talahib na makakain
ang Kabayo ay natanawan nito sa gitna ng kagubatan ang isang nakabalumbong
banig. Nang ilatag ng Kabayo ang banig ay laking tuwa niya sapagkat tuyong
katawan ng isang makisig na Leyon ang tumambad sa kaniya.
Isinuot kaagad ng Kabayo ang baro at tuwang-tuwang nanalamin
sa batis. Mayabang na naglakad siya sa buong kagubatan. Tuwang-tuwa siya nang
sumaludo sa kaniya bilang Hari ang Elepante, ang Oso at ang Gorilya. Lalo
siyang yumabang nang layuan siya sa takot ng Unggoy, Usa at Kuneho.
Minsang taas-noo siyang nagpapapansin sa kagubatan ay nakita
siya ng mapanuring Lobo.
“Haring Leyon. Haring Leyon. Bakit hindi po yata kumikislap
ang inyong balahibo kapag nasisikatan ng araw?” “Ha?” Hindi kaagad nakasagot
ang tinanong. “Na… naligo kasi ako sa batis nang makita kong duguan ang mga
kuko ko matapos gawing pananghalian ang Baboyramo.”
Napaurong ang Lobo hindi sa pananakot ng impostor na Leyon
kundi sa naibang tono ng pagsasalita nito.
Nagduda ang Lobo. Alam niyang hindi Leyon ang kausap niya.
Para patunayan na impostor ang Leyon ay ibinalita ng Lobo na darating na ang
mga Leyon sa kabundukan. Sa pagkasindak ng impostor ay napahalinghing ito.
Napagsino ng lahat na Kabayong nagdamit Leyon lang ang impostor. Nang malaman
ng lahat na naloko sila ng mapagbalatkayo ay hinabol nila ito upang ilublob sa
kumunoy pero mabilis itong nakatakbo papalayo sa kagubatan.
Aral: Huwag manlamang
kaninuman upang ikaw ay pahalagahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento